CONTEMPT VS ROQUE, IBA PA INALIS NA NG KAMARA

MALIBAN kay dating Presidential spokesman Harry Roque na may arrest warrant dahil sa kasong kriminal sa isang korte sa Pampanga, maaari nang magpakita muli sa publiko ang kanyang misis na si Maila Roque matapos bawiin ng Quad Committee ang kanyang contempt order.

Bukod sa misis ni Roque, pwede na ring magpakita muli ang dating economic adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang kasama sina dating Police Col. Hector Grijaldo at SPO4 Arthur Narsolis.

“The motion to lift the contempt order for Col. Grijaldo, spouses Myla and Atty. Harry Roque, retired police officer Arthur Narsolis, and Mr. Michael Yang—so moved, Mr. Chairman,” ani Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, isa sa mga co-chair ng Quad Comm.

Ginawa ni Paduano ang mosyon bago matapos ang ika-15 at huling pagdinig ng Quad Comm sa pagkakaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal drug trade at extra-judicial killings (EJKs) noong nakaraang administrasyon.

Magugunita na hindi na nagpakita sa publiko ang mag-asawang Roque at si Yang matapos ma-contempt ang mga ito dahil sa paulit-ulit na hindi pagtugon sa imbitasyon ng komite para humarap sa imbestigasyon.

Dahil sa contempt order ay inaresto si Grijaldo at ikinulong sa Quezon City Police Station 6 mula pa noong Disyembre 2024 kaya nagmosyon din si Paduano na alisin na rin ang detention order sa kanya.

Samantalang si Narsolis umano ang nangontrata sa dalawang hitman na patayin ang tatlong Chinese drug suspects sa Davao Penal and Prison Farm noong Agosto 2016 base umano sa utos ni Garma.

(BERNARD TAGUINOD)

41

Related posts

Leave a Comment