BISTADOR ni RUDY SIM
NAALARMA ang Indian Embassy sa nagdaang pambibisto natin sa umano’y pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling staff ng embahada sa isang makapangyarihang Indian national, upang maluwag na makapasok sa bansa ng mga kababayan nito at maipasok ang ilang hinarang na pasahero sa NAIA.
Ayon sa ating source, wala raw alam ang Indian Embassy sa ginagawang kalokohan ng isang alias “Happy” sa human smuggling ng mga Bumbay sa bansa, at ang paggamit sa mga kasabwat na empleyado ng embahada upang ipaalam sa Bureau of Immigration, na ang ilan sa mga nahaharang ng immigration officers sa NAIA ay restricted at may posibilidad na maging public charge sa gobyerno, ay nagagawang saluhin at palabasing ito ay nagtungo sa bansa bilang isang missionary kahit hindi alam ang “Ama Namin”. Aray ko po!
Kasabwat din ang ilang immigration officers na sa tuwing mayroong nahaharang sa pagpasok sa bansa na mga Bumbay ay itinatawag nila umano ito kay alias “Happy” upang perahin at maging masaya ang lahat… Ika nga ni Manong Enrile noon ay “Gusto ko Happy ka”.
Sino ba itong si alias “Happy” at tila maging ang ilan sa mga tiwaling tauhan ng BI sa airport at maging sa intelligence division, ay kanyang hawak sa leeg lalo ito umanong sina alias “Char” at “Bunso” na kanyang kolektor sa kotongan, at hindi nila namo-monitor ang ilegal na pagpapasok ng mga Bumbay sa bansa upang kargahan ng asawang Pinay upang makapag-apply ng Temporary Resident Visa sa Legal Division at makabili ng luho na Tesla car, tama ba Atty. Caps, Sir?
Kung noong araw ay nauso ang raket ng sindikato na may tagahugot sa NSO sa birth certificate ng mga kababayan nating Pinay na walang kaalam-alam na sila’y kasal na pala sa Bumbay, kahit hindi pa nakita ang anino at amoy-sibuyas nito, upang mabigyan ng TRV.
Kagaya na lamang umano ng visa nitong si Happy na kung bakit tila kahit nakapikit ay naaprubahan ang kanyang TRV visa dahil sa isang dummy na asawang Pinay na si alias “Jenny”, kahit may asawang Indian national din itong si Happy? Aba’y naloko na!
Sino naman kaya itong alias “Rita” na isang Indian din, na naglalakad ng papeles sa BI ang umano’y kalaguyo nitong masaya na ay happy pa? Dapat kayang imbestigahan din ng Indian Embassy at ng BI upang silipin kung sino itong mga pinapasok nila sa bansa at pina-recall ang exclusion order para makapasok ang mga naharang na dayuhan gamit ang pekeng email mula sa embassy, mula P350K ay sinisingil umano ang mga Bumbay at pinaghahatian ng mga kasama sa sindikato.
Samantala, Isang “Dala” naman na reyna umano ng pamemeke at human smuggling sa bansa, ang ngayon ay tumatabo ng salapi at dahil sa kanilang raket ay natalo maging ang money laundering… ‘Yan ang isusunod natin ibibisto… Abangan!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
129 