On the Level Ni JUNEX DORONIO
MALAKI ang pangarap ng administrasyong Marcos Jr.—gawing AI hub ang Pilipinas sa ilalim ng Pax Silica.
Astig pakinggan. High-tech. Pang-future.
May pangakong trabaho, asenso at bagong sigla sa ekonomiya.
Sa plano, itatayo ang dambuhalang complex sa New Clark City.
Libo-libong ektarya, puno ng artificial intelligence at modernong industriya.
Parang jackpot para sa bansa na gustong makahabol sa global na labanan sa teknolohiya.
Pero teka lang—kaya ba natin?
Dito na pumapasok ang pamilyar na problema: Hindi sa plano nagkakatalo, kundi sa execution.
Oo, may pangakong “quality jobs.” Pero para kanino ang mga trabahong ito?
Ayon mismo sa gobyerno, nasa 1.8 milyong Pilipino pa lang ang sinasanay para sa AI.
Sa totoo lang, kulang na kulang ‘yan para sa industriyang nangangailangan ng matinding skills at expertise.
Ang ending? Posibleng tayo lang ang venue, habang ang tunay na benepisyo napupunta sa dayuhan.
Tayo ang host, pero hindi bida.
Isa pa—imprastruktura.
Hindi biro ang AI hub. Malakas sa kuryente, malakas sa tubig, at kailangan ng super bilis na internet.
Eh ngayon pa nga lang, reklamo na ang taumbayan sa mahal na kuryente at brownout.
Kung hindi maaayos ‘yan, paano tatakbo ang high-tech na proyekto?
Parang bumili ka ng mamahaling kotse pero wala kang garahe at gasolina.
May isa pang maselang usapin—soberanya.
Ang Pax Silica ay hindi lang simpleng proyekto. Bahagi ito ng global na agawan sa teknolohiya.
Oo, may papasok na puhunan at suporta mula sa allies. Pero kapalit nito, ano?
Tanong ng marami: Kontrolado pa ba natin ito, o nakikisakay lang tayo sa laro ng malalaking bansa?
Hindi naman sinasabing mali ang ambisyon.
Sa totoo lang, malaking oportunidad ito. Kayang baguhin ng AI ang ekonomiya, lumikha ng trabaho at magdala ng progreso.
Pero kung hindi handa, delikado.
Hindi puwedeng puro pangarap lang. Kailangan konkretong aksyon.
Unahin ang edukasyon at training.
Ihanda ang mga Pilipino para hindi mapag-iwanan.
Ayusin ang kuryente, internet at iba pang pundasyon bago magtayo ng high-tech na proyekto.
Dahil kung hindi, mauuwi lang ito sa drawing.
Sanay na ang Pilipinas sa grand projects na sa umpisa lang maganda.
Pagdating sa huli—bitin, atrasado, o tuluyan nang nalimutan.
Marami nang proyekto ang naging simbolo ng overpromise, underdeliver.
Ayaw na nating madagdagan pa.
Kung maayos ang pagpapatupad, puwedeng maging game-changer ito.
Pero kung sablay, baka lalo lang lumaki ang agwat ng mayaman at mahirap, at lalo tayong umasa sa dayuhan.
Oo, digital ang direksiyon ng mundo.
Pero kung hindi tayo handa, mananatili itong drawing—isang pangarap na hindi naging realidad.
89 