WALANG KUKURAP NG MATA! (VP Sara Duterte impeachment trial)

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

UMPISAHAN na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte!

Ito ang ipinagsisigawan ng maraming mamamayan, abogado at eksperto sa batas, negosyante, at ang ilang bumuo ng 1987 Constitution. Maging si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ay nagpahayag din ng pagkadismaya sa pag-antala sa impeachment trial.

“To delay the trial or even to abort it is to suppress the TRUTH. It is a sin. The opponent, the devil, is rightly called Prince of Lies,” ang sinabi ng lider ng simbahang Katoliko sa kanyang Facebook

Dagdag pa ni Archbishop Villegas: “It is a sin to suppress or conceal the truth. The nation has a right to the truth that can only be established by law and evidence. To deprive the people of the full truth is a form of robbery. It is keeping something not yours. It is a sin.”

Si Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ay nanawagan din sa Senado na umpisahan na ang impeachment trial.

“To delay, dismiss, or ignore such a process for reasons of political convenience is to betray the Constitution and the people’s trust,” ang pahayag ni Cardinal David.

“If there is nothing to hide, there is nothing to fear. Let conscience guide your actions. Let the truth take its course,” pagbibigay-diin pa ng lider simbahan.

Batay sa OCTA Research’s Tugon ng Masa (TNM) survey, 78% ng mga Pinoy ang gustong humarap si VP Sara sa impeachment court sa Senado at sagutin ang mga kasong ibinabato sa kanya.

Dahil malakas ang sigawan, unti-unti nang bumibigay si Senate President Chiz Escudero mula sa kanyang dating paligoy-ligoy na posisyon na humahadlang sa pagsisimula ng Senado sa paglilitis kay VP Sara.

Gabi ng Lunes, napilitan na si Escudero na manumpa bilang “presiding officer” sa impeachment court na bubuuin ng mga senador na aaktong huwes na maghahatol kay VP Sara kung dapat ba siyang sipain sa kanyang panunungkulan bilang bise presidente ng bansa o hindi.

Kung ang hatol ay “guilty”, hindi na siya pwedeng manungkulan sa anomang posisyon sa pamahalaan kahit pa kagawad ng barangay. At kung magaganap ito, tapos na ang kasaysayan ng pamilya Duterte sa larangan ng pulitika sa bansa. Siguro, dahil adik sa kanila ang mga taga Davao City, hanggang doon na lang ang kanilang teritoryo.

Pero marami pa rin ang hindi kumbinsido sa naganap sa Senado noong Lunes ng gabi sa kabila ng panunumpa ni Escudero. Sa unang malas ay isa na itong pagsisimula sa pagbubuo ng impeachment court lalo na kung susunod din na manunumpa – nakaiskedyul sa araw ng Martes, June 10, ayon sa napagkasunduan ng mga senador noong Lunes – ang mga natitira pang senador bilang mga “huwes” sa gagawing paglilitis kay VP Sara.

Ngunit, sampung beses man silang manumpa, hindi pa rin natitiyak na gagawin na nilang korte ang Senado upang simulan na ang impeachment trial. Dahil masugid pa rin ang pagpipilit ng mga alyado ni Sara na harangan at huwag ituloy ang paglilitis.

Bakit? Ayaw nilang mabulgar sa paglilitis ang detalye kung paano nawala o nilaspag ang malaking pondo mula sa salapi ng taong-bayan na nasa disposisyon ni Sara bilang bise presidente at dating kalihim ng Department of Education. At alam din nilang may mga maglalabasan pang anomalya at eskandalo na kinasasangkutan ni Sara kasama si dating Presidente Rodrigo Duterte at ang kanyang pamilya.

At ito ang ayaw nilang mabuyangyang sa mata ng publiko, kahit pa may sapat silang bilang upang mapawalang sala si VP Sara. Siyam na senador lang ang kumontra sa impeachment, abswelto na siya. At kaya itong sungkitin ng bise presidente.

Simpleng mayorya naman ng Senado – 13 Senador lang ang kailangan upang ibasura ang impeachment trial. Ito ang makitid na pang-unawa ng ilang senador kahit isa itong garapal na paglabag sa Saligang Batas.

May pitong senador na si VP Sara – Go, De la Rosa, Marcoleta, Padilla, Marcos, Mark at Cynthia Villar – na kahit utusan niyang tumalon sa Pasig River ay susunod. Nanahimik pa lang at nakikiramdam sina Binay, Pia Cayetano, Lapid, Legarda, Poe, Revilla, Tulfo at Villanueva. Wala pa silang pahayag ng posisyon sa isyu ng impeachment trial.

Ang iba pang senador ay pabor na sa impeachment trial bagama’t hindi pa ito tiyak at pwede pa silang bumaligtad depende sa ihip ng hangin. Ganito ang pulitikong Pinoy.

(PALIWANAG: Ang kolum na ito ay isinumite ko alas otso ng umaga, June 10. Maaaring may mga magaganap pa sa maghapon. Walang kukurap ng mata!)

##########

Balik tayo kay Escudero. Hindi pa rin ako kumbinsido sa katapatan ng kanyang panunumpa bilang tatayong “presiding officer” kapag itinuloy na ang impeachment trial.

Dahil nitong mga nakaraang araw ay ipinakita niya ang kanyang sagad na pagtutol na umpisahan na ang paglilitis kahit na labagin niya ang mismong regulasyon ng Senado at ang itinatakda ng Saligang Batas.

Ang Saligang Batas na mismo ang nagsasabi: the impeachment trial “shall forthwith proceed”. Wala nang debate dito. Pero sinisi pa ni Escudero ang mga gumawa ng Konstitusyon. Bakit daw hindi ginamit ang salitang “immediately” sa halip na “forthwith”? Suskupo!

Si Escudero ang naging sentro ng pagbatikos sa Senado dahil sa garapalan niyang paghadlang na simulan na ang paglilitis sa pamamagitan ng kanyang samu’t saring palusot o wala namang basehang dahilan sukdulang maging tampulan siya ng matatalim na salita na humahamon sa kanyang kredibilidad bilang abogado at senador ng bansa.

Alam niyang hindi pwedeng i-hostage ang proseso. Pero pinayagan niyang tawanan siya at kutyain ng publiko.

Ginawa na ng Kongreso ang kanyang trabaho at naipasa na sa Senado ang Articles of Impeachment noon pang Pebrero. Pero hinarangan ni Escudero at binimbin na agad simulan ng Senado ang pagdinig at hatulan ng Senado si Sara, kung nagkasala nga ba o hindi?

May kasunduan na ba sina Escudero at Duterte sa 2028?

Takot ba siyang kalabanin o masaktan ang kampo ng Marcos at Duterte at namamangka siya sa dalawang ilog?

Hindi maitatago na alyado ni VP Sara si Escudero. At alam na rin naman ng lahat na ang tatay ni Chiz ay matapat na tauhan ng matandang Makoy noong panahon ng kanyang diktadura.

Marami ang nakamasid kay Escudero sa mga susunod na araw.

Kung muli siyang babaligtad at hahadlang na naman sa pagsisimula ng impeachment trial, ito ang magpapako sa kanya sa krus ng kahihiyan at tuluyang pagkawasak ng kanyang nalalabing integridad sa larangan ng pulitika.

Huwag na siyang mangarap na maging Presidente o kahit Bise Presidente ng bansa. Mag-ilusyon na lamang siya at libre naman ito. Walang kokontra sa kanya. At kung sakaling muli siyang kakandidato bilang senador, malamang ay sa kangkungan siya pulutin.

36

Related posts

Leave a Comment