DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI lang ang mga ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng executive department ang nagteteka-teka at reaksyonaryo lamang sa problemang kinahaharap o kahaharapin ng bansa at sambayanan kundi maging ang Kongreso.
Noong 19th Congress, hindi bababa sa apat na panukalang batas ang inihain para i-regulate ang artificial intelligence (AI) sa bansa tulad ng ginawa ng Singapore, United States, Great Britain at European Union pero hindi ito pinansin.
Alam ng mga mambabatas, hindi lamang sa Kamara kundi maging sa Senado, ang negatibong epekto ng AI, hindi lamang sa trabaho kundi maging sa kaligtasan at katahimikan at estabilidad ng isang bansa pero hindi man lamang tinalakay sa committee level ang mga panukalang ito.
Mismong ang tinaguriang “Godfather of AI” at dating Engineer ng Google na si Geoffrey Hinton ay nagbabala na ang bagong teknolohiyang ito na kanyang ginawa ay malaki ang banta sa lipunan at sangkatauhan.
“AI could kill humans and there might be no way to stop it. This is aside from alarms raised by advocacy groups and tech insiders that the new crop of AI-powered chatbots could be used to spread misinformation and displace jobs,” ang sinabi noon ni Hinton.
Ito marahil ang dahilan kaya maraming bansa ang nagpasa ng batas para i-regulate ang AI kaya may mga kongresista ang naghain ng panukala pero hindi pinansin ng liderato ng Kongreso at hindi kasama sa priority bills ng Malacañang, kaya hindi na ako magtataka na magkukumahog ulit ang mga ito balang araw kapag may nabiktima na sa kanila.
Ganyan siguro ang inaasta ng mga mambabatas na hangga’t hindi sila ang biktima ay hindi sila gagawa ng batas para protektahan ang mas nakararami dahil hindi naman sila apektado kundi ang ordinaryong mga tao lamang.
Nangyari na ‘yan noong lumala ang text scam at ginagamit ang mobile phone sa paggawa ng krimen kung saan maraming mambabatas ang naapektuhan kaya gumawa sila ng batas para irehistro ang lahat ng prepaid SIM cards.
Dahil sa kamamadali nila, pumalpak ang batas, maraming butas ang ginawang batas kaya gusto na naman nilang amyendahan ang Mandatory Sim Card Registration Act lalo na’t napatunayan na ang mga ginagamit sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay mga pre-registered SIM card.
Ngayon ay lumalala ang problema sa AI at ginagamit ang teknolohiyang ito para ikalat ang mga maling impormasyon tulad ng AI generated video ng kabataan na pinalalabas na kontra ang mga estudyante sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte na ipinost at nai-share ni Sen. Bato dela Rosa.
Hindi mo na alam tuloy kung totoo ba ang mga video sa social media na napapanood natin dahil sa teknolohiyang ito dahil hinahayaan ng gobyerno na lumala muna bago nila hahanapan ng solusyon.
Ang nakatatakot dito ay ang epekto nito sa mga kabataan lalo na’t ang mga kabataan ngayon, mahirap man o mayaman ay may access na sa social media dahil sa smartphone ng kanilang magulang pero parang walang pake ang gobyerno.
