LUCENA CITY – Isang sanggol na 23-araw pa lamang ang gulang, ang matagumpay na nailigtas matapos itong ibenta ng sariling ina sa halagang P52,000 sa isang mag-asawa, sa pakikipagsabwatan ng isang midwife sa lungsod noong Miyerkoles ng hapon,
Ayon sa report ng Lucena City Police, ang biktimang isang sanggol na babae ay isinilang lamang noon Hunyo 3, 2025 sa Lucena City.
Nagsimula ang insidente nang magsumbong ang lola ng sanggol sa Lucena City Police Station na ibinenta ng kanyang anak na residente ng Brgy. Bocohan, Lucena City, at nanay ng bata, ang sanggol sa mag-asawang 39-taong gulang na coal plant attendant at 37-taong gulang na misis nito na isang safety officer, na mga residente ng Pagbilao, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng WCPD Investigators, ipinakilala ng 49-taong gulang na isang rehistradong midwife ang ina ng biktima sa mag-asawa noong Hunyo 21, 2025, sa isang maternity and birthing clinic.
Nauna rito, humingi umano ng tulong ang ina sa midwife upang makahanap ng mag-aampon o bibili sa kanyang sanggol.
Nangyari ang unang transaksyon noong Hunyo 21 ng hapon sa parking area ng isang mall sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City, kung saan ipinagbili ang sanggol sa halagang P13,000.
Bagama’t nabawi ng ina ang sanggol pagkaraan ng tatlong araw, muling nangyari ang transaksyon noong Hunyo 25 ng hapon, sa parking area ng isa pang mall sa Brgy. 3, Lucena City, kung saan tuluyang ibinenta ang sanggol sa halagang P52,000.
Ang nasabing transaksyon ay nasaksihan ng lola ng sanggol, na kalaunan ay nagpasya na i-report ang insidente sa pulisya dahil sa pagkabagabag ng kanyang konsensya.
Agad nagsagawa ng police response at rescue operation ang mga tauhan ng Lucena WCPD, katuwang ang Lucena CSWDO, Quezon PPO, WCPC-Camp Crame, at RMFB4A, na nagresulta sa pagkakadakip ng lahat ng sangkot at matagumpay na nailigtas ang sanggol na agad na ipinasa sa pangangalaga ng CSWDO, Lucena City.
Kasalukuyan nang inihahanda ang criminal complaint laban sa mga suspek para sa paglabag sa RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
(NILOU DEL CARMEN)
