SC KINALAMPAG NG MGA ESTUDYANTE

KINALAMPAG kahapon ng mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ang Korte Suprema kaugnay ng ipinalabas na impeachment decision pabor kay VP Sara Duterte.

Ito’y kasabay ng ikaapat na SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Batasan Pambansa, Quezon City.

Halos nasa 40 indibidwal, karamihan organisasyon ng kabataan at mga mag-aaral mula sa UP Manila University Student Council, at Technology University of the Philippines, PUP, FEU, at iba pa ang nagprotesta sa harap ng SC.

Mariing kinondena ng grupo ang naging desisyon ng Korte Suprema nang ideklarang unconstitutional ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.

Iginiit din nila ang pagkaantala ng Senado sa impeachment trial, na itinuring bilang isang malinaw na pagwawalang-bahala sa karapatan ng mamamayan na manawagan para sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

Binanggit din nila sa kanilang pagkilos ang diumano’y maling paggamit ng P612.5 milyon sa confidential funds bilang pangunahing dahilan ng kanilang pagkilos.

Kasama rin sa kanilang isinigaw ang kasalukuyang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino dahil sa mga isyung gaya ng malawakang pagbaha, pagkawasak ng ari-arian, kakulangan ng mga pangunahing serbisyong panlipunan, kawalan ng trabaho at inflation.

Direkta nilang iniugnay ang mga problemang ito sa kakulangan umano ng pananagutan ng administrasyong Marcos-Duterte. (JULIET PACOT)

182

Related posts

Leave a Comment