‘MAG-MOVE ON’ NA DAPAT SA IMPEACHMENT – PALASYO

DAPAT nang talikuran ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Pahiwatig ito ng Malacañang, kasabay ng pagsasabi na dapat igalang ng lahat ang Korte Suprema matapos nitong ideklarang unconstitutional ang isinampang reklamo.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na dapat pagtiwalaan ng publiko ang mga institusyon ng bansa, kabilang ang kataas-taasang hukuman, dahil tanda ito ng isang gumaganang demokrasya.

“Ang impeachment ay saklaw ng lehislatura at hudikatura, at kinikilala namin ang kanilang kalayaan sa pagtupad sa tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas,” ani Castro.

Sa mga naunang pahayag, nilinaw ng Palasyo na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment laban kay (VP) Duterte, kasabay ng pagbibigay-diin na ito’y usaping sakop ng Kamara at Senado.

Sinabi ng Pangulo na masyado siyang abala sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa kaya wala siyang panahon para pagplanuhan ang anomang hakbang laban sa Bise Presidente.

Sa katunayan, walang binanggit si Marcos tungkol sa impeachment sa kanyang State of the Nation Address noong Lunes.

Noong Pebrero, 215 mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment ng Pangalawang Pangulo dahil umano sa katiwalian, panunuhol, paglabag sa tiwala ng taumbayan, at iba pang mabibigat na krimen na may kaugnayan sa kontrobersyal na paggamit ng confidential at intelligence funds.

145

Related posts

Leave a Comment