TILA mas ginanahan ang isang beteranong mambabatas sa Kamara na mag-imbestiga matapos mabanggit sa State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Bukod dito, sinabi Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na wala nang dahilan para hindi buhayin ang Quad Committee matapos muling maluklok bilang Speaker ng Kamara si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
“For far too long, families have been waiting—waiting for justice, for answers, for closure. President Marcos’ statement is a welcome development,” ayon sa dating chairman ng House committee on human rights.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa law enforcement agencies na huwag tantanan ang kaso at tutulong din umano ang mga ito para imbestigahan ang krimen para makamit ng mga kaanak ng mga biktima ang hustisya.
Magugunita na sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA na “nagtutulungan ang buong pamahalaan para lutasin ang mga kaso ng mga nawawala dahil sa walang pakundangang kagagawan ng mga sindikato sa likod ng madilim na mundo ng mga sabungan”.
Tiniyak ng Pangulo na hahabulin at pananagutin ang mga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal sa nasabing krimen kahit malakas, mabigat o mayaman ang mga ito dahil hindi sila pwedeng mangibabaw sa batas.
“Higit sa lahat, ipararamdam natin sa mga salarin ang bigat ng parusa sa karumal-dumal na krimen na mga ito,” ayon pa sa Pangulo.
Ang mga pahayag ito ng Pangulo ang nagbigay ng malaking pag-asa kay Abante para mabuo ang Quad Committee na kinapapalooban ng committees of public and order and safety, public account, dangerous drug at human rights para pagtulungang imbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Base sa alegasyon ng lumutang na witness, ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang umano ang nasa likod ng nasabing krimen at mga pulis ang dumukot at pumatay sa mga biktima saka itinapon ang mga ito sa Taal Lake sa Batangas.
“As the President reminded us, no one is above the law and whoever is responsible must be held to account. A crime like this should not be swept under the rug. The victims and their families deserve no less,” ayon sa kongresista. (BERNARD TAGUINOD)
136 