NIYANIG ng lindol na may lakas na magnitude 8.7 ang silangang baybayin ng Kamchatka, Russia, alas-7:25 nitong Miyerkoles ng umaga, Hulyo 30, 2025 dahilan upang magpalabas ng Tsunami alert ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente sa mga coastal area.
Apektado ng Tsunami warning na inilabas ng kahapon ng state seismologists ang 22 lalawigan na nasa coastal areas ng bansa partikular ang mga nakaharap sa Pacific Ocean na posibleng abutan ng tsunami waves na may taas na isang metro.
Ayon sa PHIVOLCS, inaasahang makararanas ng bahagyang pagtaas ng tubig (mas mababa sa 1 metro) ang mga baybayin sa Pilipinas na nakaharap sa Pacific Ocean bunsod ng tsunami wave sa pagitan ng 1:20 PM hanggang 2:40 PM.
“People whose houses are located very near the shoreline of these provinces are advised to move farther inland,” sabi pa ng Phivolcs.
“Owners of boats in harbors, estuaries, or shallow coastal water[s] of the above-mentioned provinces should secure their boats and move away from the waterfront. Boats already at sea during this period should stay offshore in deep waters until further advised,” dagdag pa ng ahensya.
Dahil sa nasabing babala, maraming local government units na kabilang sa mga inalerto, ay nagsuspinde ng klase at nagpalabas ng abiso sa mga residente na maging alerto at humanda sa posibleng paglikas.
Pinayuhan ang mga residente na maging handa sa bugso ng alon sa dalampasigan ng 22 lalawigan kabilang ang: Batanes Group of Islands, Albay, Dinagat Islands, Cagayan, Sorsogon, Surigao del Norte, Isabela, Catanduanes, Surigao del Sur, Aurora, Northern Samar, Davao del Norte,
Quezon, Eastern Samar, Davao Oriental, Camarines Norte, Leyte, Davao Occidental, Camarines Sur, Southern Leyte, Davao del Sur, Davao de Oro.
Payo ng Phivolcs na huwag maging kampante at abangan ang abiso ng ahensya kung tuluyan ng inalis na ang babala.
(JESSE RUIZ)
254 