Patutsada sa dating bodyguards ni Zaldy Co ’18 BASURERO’ MAS BAGAY KAYSA EX-MARINES — CASTRO

MAS pipiliin umano ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro na tawaging “18 basurero” ang 18 bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co kaysa iugnay ang mga ito sa Philippine Marines.

Ito ay matapos manawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na itigil na ang pagtawag sa grupo bilang mga ex-Marines kasunod ng paglutang ng kanilang mga testimonya sa pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Castro, wala na sa aktibong serbisyo ang mga ito nang maging bodyguard ni Co kaya hindi na dapat iugnay sa institusyon ng militar ang kanilang mga aksyon at pahayag.

Aniya, maaari silang tawaging “18 maleta boys,” “18 kargador,” o “18 basurero,” bagama’t mas angkop pa rin umano ang “18 witnesses” o “18 bodyguards.”

Kinumpirma rin ni Castro na nakarating na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon ng ilang testigo na umano’y tumanggap ito ng mga maleta sa kanyang tahanan sa Paoay, Ilocos Norte.

Gayunman, sinabi niyang hindi ito pinaniwalaan ng Pangulo dahil wala umanong ebidensyang sumusuporta sa naturang akusasyon.

Ilang Senador Dismayado

Nadismaya ang ilang senador matapos hindi humarap sa Senate Blue Ribbon Committee ang 18 dating bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co kahit nasa loob na sila ng Senado.

Sa pagbubukas ng pagdinig, humiling si Senador Erwin Tulfo ng panandaliang panalangin para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Sarangani.

Muli ring iginiit ni Tulfo na “hao shao” at ilegal ang isinagawang pagdinig ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano kaugnay ng flood control projects.

Iginiit naman ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na lehitimo ang kanilang pagdinig at naka-live stream pa ito sa opisyal na website ng Senado.

Ayon kay Gatchalian, kung totoo ang mga alegasyon ng 18 dating bodyguards, dapat ay handa silang panindigan ang kanilang mga pahayag saanman at kanino man.

Tinukoy naman ni Senador Raffy Tulfo ang ilang umano’y inconsistencies sa mga testimonya ng mga dating bodyguard na tinawag pa niyang mga “kargador.”

Binigyang-diin din ni Tulfo na hindi dapat tawaging dating Marines ang grupo dahil karamihan sa kanila ay dishonorably discharged sa serbisyo.

Testimonya Mahina — NBI

Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na maraming kaduda-duda at magkakasalungat na pahayag sa testimonya ng 18 dating bodyguard ni Co.

Sa consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Matibag na tila coached o tinuruan lamang ang mga testigo sa kanilang mga salaysay kaya maaaring hindi tumagal ang mga ito sa korte.

Tinataya rin niya na nasa 10 hanggang 20 porsyento lamang ng kanilang testimonya ang maituturing na personal knowledge.

Ayon pa kay Matibag, karamihan sa kanilang mga pahayag ay hearsay lamang at wala ring kalakip na dokumentaryong ebidensya.

Maging ang umano’y laman ng mga maleta at bag na kanilang idineliber ay inakala lamang umanong pera batay sa bigat nito.

Tungkol naman sa alegasyong inalok ni Mike Defensor ang mga testigo ng tig-P5 milyon, sinabi ni Matibag na mayroon umanong testigong nagsalita hinggil sa naturang usapin.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

85

Related posts

Leave a Comment