Blue Ribbon Hearing ni Erwin Tulfo Umani ng Batikos mula sa mga Pilipino?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGING sentro ng usapan-usapan ngayon ng mga Pilipino ang isinagawang Blue Ribbon Committee hearing na pinamunuan ni Senador Erwin Tulfo. Inaasahan ng marami na ito ay magiging mahalagang pagkakataon upang mailahad ng mga dating sundalo ang kanilang mga alegasyon, subalit mas ginusto nila marahil na hindi dumalo sa pagdinig dahil ang kanilang inaakusahang hinatiran ng 8 maleta at idinadawit sa human trafficking ang siya pa mismong chairman ng komite.

Kapansin-pansin din na hindi dumalo sa naturang pagdinig ang grupo ng 18 dating sundalo na unang naglabas ng mabibigat na mga paratang laban sa ilang opisyal ng gobyerno, kasama na si Erwin Tulfo na itinalagang Blue Ribbon Committee chairman ng kampo ni Sen. Win Gatchalian.

Nauna nang maraming nagkuwestiyon sa pagiging Blue Ribbon Committee chairman ni Tulfo dahil labing-dalawa lamang ang dumalo sa paghalal sa kanya, na sinasabing walang quorum sapagkat ang kasalukuyang senador ay 24 pa ang bilang at wala pang nababawas at ang pagiging Senate President Pro Tempore ni Senator Win Gatchalian ay kinukuwestiyon din.

Ayon sa ilang tagamasid, maaaring may mga dahilan ang mga dating sundalo kung bakit sila hindi dumalo. Maaaring may agam-agam sila sa magiging direksyon ng imbestigasyon o kaya naman ay may mga legal na konsiderasyong kailangang timbangin. Gayunman, dahil sa kanilang pagliban, lalong dumami ang mga espekulasyon tungkol sa lakas at katotohanan ng kanilang mga alegasyon.

Maaaring isa pang dahilan ng hindi pagdalo ng 18 dating mga sundalo sa patawag ni Tulfo ay dahil wala silang tiwala sa pamumuno nito na mabibigyan ng halaga ang kanilang pagsisiwalat laban sa mga opisyal at kasama siya. May nagsasabi pa na ang imbestigasyon na ginagawa ni Tulfo ay isang matatawag na ‘conflict of interest’ dahil siya mismo ay idinadawit sa nasabing kontrobersiya.

Mas mainam anila na ‘wag nang makialam si Erwin Tulfo sa imbestigasyon na may kinalaman sa flood control scandal dahil lalo lamang itong nagdudulot ng pagdududa sa taumbayan na pagtatakpan lamang nito ang tunay na salarin ng kontrobersiya.

Marahil nagduda rin ang 18 dating mga sundalo na sisirain lamang ang kanilang kredibilidad ng mga senador na dumalo sa pagdinig para tuluyan na silang mawalan ng gana sa kanilang pakikipaglaban para mailantad ang tunay na nagnakaw ng kaban ng bayan na umabot ng mahigit isang trilyong piso simula noong 2023, 2024 hanggang 2025 sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.

Ayon sa ating obserbasyon, nagkatotoo nga na kinuwestiyon ng mga senador ang naging mga statement ng 18 dating mga sundalo sa kanilang naunang pagdalo sa Blue Ribbon hearing na pinangunahan ni Senator Rodante Marcoleta.

Maging ang kanilang mga kredibilidad bilang mga dating miyembro ng Philippine Marines ay kinuwestiyon din at sinabi pa ni Sen. Raffy Tulfo na sa halip na tawaging dating Marines ay tawagin na lamang silang mga kargador.

Ang pagdinig na ito ay patuloy na umaani ng batikos mula sa mga Pilipino dahil sa kuwestyunableng pagkakatatag ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Tulfo. Ito ay itinatag sa pamamagitan lamang ng 12 boto mula sa 24 senators na mayroon ngayon ang bansa.

Napansin din ng mga Pilipino na iisa ang kumpas ng kanilang resource persons mula sa DOJ, NBI, Ombudsman at maging ang mga senador, kung ang pag-uusapan ay ang kredibilidad ng 18 dating mga sundalo sa halip na pag-usapan ang nilalaman ng kanilang mga testimonya na may mga nagnakaw ng bulto-bultong pera ng mga Pilipino.

Inungkat din ni NBI Director Melvin Matibag ang diumano’y tig-5 milyong piso na inalok ni dating Rep. Mike Defensor sa bawat isa sa 18 dating mga sundalo kapalit ng kanilang pagtestigo laban sa mga nasasangkot sa flood control scam.

Sa ngayon mas naniniwala ang nakararaming Pilipino na mas may kredibilidad ang Blue Ribbon Committee hearing na isinasagawa sa pamumuno ni Senator Rodante Marcoleta, dahil ang kanilang pagtatanong ay nakasentro sa mga nagkamal ng male-maletang pera ng mga Pilipino at hindi sa pagsira ng kredibilidad ng mga testigo.

Kaya ang panawagan ng mga Pilipino ay itigil na ni Erwin Tulfo ang kanyang imbestigasyon dahil nagpapagulo lang ito, at para mailantad ang tunay na mga salarin ng nanakawan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

101

Related posts

Leave a Comment