ILANG oras matapos magbigay ng pahayag ang kanyang mga kasamahan, inamin ni AGAP party-list Rep. Nicanor Briones sa mga mamamahayag sa Kamara na siya ang nasa viral video na nanonood ng sabong subalit itinanggi na nagsusugal siya.
Ayon sa mambabatas, ipinadala lamang umano ng kanyang pamangkin ang video na kanyang pinanood subalit hindi umano ito nagsasabong sa tunay na buhay at wala rin umano siyang e-wallet para makapagsugal online.
Bagama’t pinatawad na umano nito ang mga kumuha ng larawan at video, nagreklamo naman ito dahil nilabag ang kanyang privacy pero handa umano itong humarap sa anomang imbestigasyon upang makapagpaliwanag sa kanyang mga kasamahan sa Kamara.
Pinagso-sorry
Una rito, tila pini-pressure na ng ilan sa kanyang mga kasama sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mambabatas na nag-viral sa panonood ng online sabong sa loob ng plenaryo.
Ayon kina Bukidnon Rep. Keith Flores at Manila Rep. Rolan Valeriano, narararapat na umamin na ang tumatalpak na kongresista at humingi ng apology dahil nadadamay na ang institusyon.
“Umamin at mag-apologize ka sa taumbayan na it was something that should not been done and make a promise the you should not do it again para kahit papaano ma-soften din yung impact sa photo na ‘yan,” ani Flores.
Ganito rin ang payo ni Valeriano sa hindi pa umaaming mambabatas dahil wala umano sa timing at tamang lugar ang kanyang panonood ng e-sabong sa loob ng plenaryo ng Kamara.
Nangyari ang insidente noong Lunes, unang sesyon ng 20th Congress habang nagkakaroon ng nominal voting sa pagboto kay Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Kamara ngayong Kongreso.
Tinangka ng mga mamamahayag sa Kamara kunan ng reaksyon ang tumaltakpak na mambabatas subalit hindi ito sumasagot.
Sinabi ni Valeriano na maaaring imbestigahan ng House ethics committee ang mambabatas kapag may nagreklamo at tanging ang liderato ng Kamara ang may kumpas o kaya magkaroon ng motu propio investigation dito.
(BERNARD TAGUINOD)
370 