NANGAKO ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na pananagutin ang mga ‘private partners’ sa kabiguan at palpak na water service delivery na nagpahirap sa milyong consumers.
Sa katunayan, sinabi ni LWUA chief Jose Moises Joy Salonga na nagpapatupad na ngayon ang ahensiya ng komprehensibong estratehiya upang i-overhaul ang magulong joint ventures sa pagitan ng local water districts at private firms sa ilalim ng joint venture agreements (JVAs).
“Sa joint venture partners na to, sa ating problema na to, tinitiyak kong may plano at sinisiguro ko sa inyong gagalaw. Hindi lang ako ngayon makakapagbigay ng detalye for obvious reasons,” ayon kay Salonga.
“It will not be just an OP (Office of the President) approach or a LWUA approach, it’s a whole of government approach that would affect,” anito.
Sa SONA ng Pangulo, sinabi nito na umabot na sa kanyang tanggapan ang reklamo at nabasa na niya ang report ukol sa sitwasyon na isinumite sa kanyang tanggapan ng LWUA.
Winika ng Pangulo na nakalagay sa reklamo na may 6.5 hanggang 7 milyong consumers sa buong bansa ang apektado ng palpak na serbisyo sa tubig.
“Higit sa lahat, titiyakin nating mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyo-publiko na ito,”ang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA.
Sa ulat, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naisumite na sa Malakanyang ang resulta ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration kaugnay ng mga reklamo laban sa Primewater.
Sa katunayan aniya ay isang folder ang report ng LWUA na may kasamang 2 kahon ng balikbayan boxes.
Ayon kay Castro, pag-aaralan ng Office of the President ang resulta ng imbestigasyon para sa kapakanan ng consumer ng Primewater na pinatatakbo ng pamilya Villar.
(CHRISTIAN DALE)
216 