DALAWANG Philippine Army junior officers at 19 enlisted personnel ang sinibak sa kanilang puwesto at sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng isang rookie soldier na isinalang sa reception rites subalit hindi kinaya kaya nag-collapse ito at binawian ng buhay sa pagamutan sa Cotabato City.
Kinumpirma ni Army spokesperson Col. Louie Dema-Ala ang pag-relieve at imbestigasyon sa 21 sundalo na isinasangkot sa pagkamatay ng bagong talagang sundalo sa Army 6th Infantry Battalion sa Maguindanao del Sur.
Kidney failure ang sinasabing sanhi ng pagkamatay ni Private Charlie G. Patigayon kaugnay sa isinagawang traditional reception activity ng infantry company ng 6th Infantry Battalion sa bayan ng Datu Piang nitong katapusan ng Hulyo matapos siya dalhin sa dalawang hospital sa Cotabato City.
Sinasabing sabit dahil sa command responsibility ang isang first lieutenant na tumatayong company commander at second lieutenant na tumatayong platoon leader, habang sinisiyasat din ang mga kasapi ng tatlong kumpanya na nasa ilalim ng 6IB.
“We assure Pvt. Patigayon family that the Philippine Army is committed to pursuing justice,” pahayag ni Col. Dema-ala.
“Should the investigation confirm wrongdoing, those responsible will be held fully accountable under the military justice system and all applicable laws.” Partikular dito ang Anti-Hazing Act of 2018.
Ayon kay Lt. Colonel Roden Orbon, spokesperson ng Army 6th Infantry Division, ang initial medical findings ay nagsasabing si Patigayon ay biglang nag-collapse sa kasagsagan ng reception ceremony at hinimatay dahil sa kidney failure.
Sabi pa ni Orbon, “There are no indications of physical abuse.” Ganito rin umano ang dinaanan ng iba pang mga bagong sundalong kasabay ni Patigayon, na sumailalim sa reception activity na pawang authorized physical exercises lamang.
Hiniling ng pamilya ng nasawi na sumailalim ito sa medico legal examination ng Philippine National Police Regional Office 10, matapos na maiuwi ang bangkay sa bayan ng Kolambugan, Lanao del Norte.
(JESSE RUIZ)
190 