INDUSTRIYA NG PALAY NANGANGANIB KUNG HINDI AAMYENDAHAN RICE TARRIFICATION LAW

PALAY

NAGBABALA si Senador Raffy Tulfo na tuluyang malagay sa panganib ang kinabukasan ng mga magsasaka ng palay kung hindi pa rin rerepasuhin ang Rice Tarrification Law.

Sa kanyang Privilege Speech, binigyang-diin ni Tulfo na bagama’t may mabuting layunin ang batas ay bigo naman itong tuparin ang mga pangako tulad ng pagbaba ng presyo ng bigas at gaganda ang lokal na produksyon.

Kung tutuusin anya ay wala naman halos bagong nabago at halos wala ring naidulot na maganda ang batas lalo’t hindi naman naramdaman ang Rice Competitiveness Enhancement Fund na dapat ay ipagkakaloob sa mga magsasaka.

Ang pagdagsa  anya ng imported rice ay nagdulot ng malaking pagbaba sa farmgate prices ng lokal na palay.

Binigyang-diin ng senador na nahihirapan ang mga magsasakang umaasa sa palay bilang kabuhayan na makipagsabayan sa mas murang imported rice kaya nababawasan ang kanilang kita o nalulugi.

Iginiit pa ng mambabatas na kailangang suriin muli ang pag-alis ng quantitative restriction sa pag-aangkat ng bigas.

Isa pa sa pinuna ni Tulfo ay ang pag-aalis ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na bumili ng bigas kaya’t nawalan ng kumpetisyon ang mga trader.

(DANG SAMSON-GARCIA)

176

Related posts

Leave a Comment