KINALAMPAG kahapon ng mga grupong Tindig Pilipinas, NAGKAISA! Labor Coalition, Kalipunan ng Kilusang Masa at ilang indibidwal ang Korte Suprema at kanilang hiniling na baligtarin ang naunang desisyon na nagsabing unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Iginiit nila na tahasang binalewala ng Supreme Court ang Konstitusyon dahil sa pakikialam sa eksklusibong kapangyarihan ng Kamara sa pagtukoy sa legalidad ng impeachment complaint.
Nanindigan ang grupo na dapat bawiin o baligtarin ng Supreme Court ang kanilang desisyon para maprotektahan ang demokrasya at maipatupad ang rule of law.
Kasabay nito, naghain din sila ng motion for reconsideration at hinikayat ang Korte Suprema na respetuhin ang separation of powers.
Samantala, iginiit naman ng Kalipunan ng Kilusang Masa na may pagkakataon pa ang mga mahistrado ng Korte Suprema para itama ang kanilang pagkakamali.
Babala naman ni Jean Enriquez ng grupong Kalipunan, dapat bawiin ng high tribunal ang kanilang desisyon o kaya harapin ang galit ng taumbayan na gutom sa hustisya.
Samantala, umapela rin ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) sa Supreme Court (SC) na baligtarin ang desisyon nitong ipawalang-bisa ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Sa kanilang liham sa Korte Suprema, ipinahayag ng TAMA NA ang kanilang kahilingan na magpatawag ang korte ng mga pampublikong oral argument kaugnay ng nasabing kaso.
“Umaasa kami na sa pamamagitan ng publikong oral arguments, makakakita ng sapat na liwanag at bagong insights ang korte para baligtarin ang desisyon at bigyang-daan ang kagyat na pagsasabalikat ng Senado sa konstitusyonal nilang tungkulin na agarang isagawa ang impeachment trial ni Vice President Duterte,” ayon sa grupo.
Nanawagan din si TAMA NA convenor Prof. David Michael San Juan sa mga mahistrado na muling isaalang-alang ang kanilang desisyon at pahintulutang maipagpatuloy ng Senado ang kanilang tungkulin na simulan ang impeachment trial “agad-agad.”
“Sa proseso at mekanismo ng impeachment sa Pilipinas, laging mas matimbang at dapat katigan ng korte ang karapatan ng sambayanang Pilipino na agad mapaalis sa pwesto ang impeachable na opisyal kaysa sa anumang teknikalidad,” giit ng TAMA NA.
Noong Hulyo 25, idineklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang Articles of Impeachment na inihain ng Mababang Kapulungan laban kay Duterte, sa dahilang nilabag nito ang one-year bar rule sa ilalim ng Konstitusyon, gayundin ang kanyang karapatang mapagkalooban ng due process.
(JULIET PACOT)
171 