MMDA MAGANDA ANG ADHIKAIN SA PAGBABAWAL NG PROVINCIAL BUS SA EDSA

SA GANANG AKIN

Napakalaking pagsubok ang bumiyahe sa kahabaan ng EDSA dahil sa napakaraming sasakyan ang narito, i­dagdag pa ang kawalan ng disiplina ng ilang motorista kaya buhul-buhol ang trapiko.

Ilang administrasyon na ang nagdaan at sinubok na lutasin ito pero hanggang plano lamang ang nangyari dahil agad na may batikos mula sa iba’t ibang grupo na wala ring maibigay na solusyon.

Sinubok ng Metro Manila Development Authority (MMDA), na magpatupad ng provincial bus ban sa EDSA, pero bago pa ito isulong, may mga umangal na grupo at nagpetisyon sa Supreme Court para harangin ang panukala.

Ayon sa mga grupong ito kapakanan daw ng taong bayan ang ginawa nila para hindi mahirapan ang paglalakbay nila galing sa mga lalawigan. Pero wala naman silang ibinigay na suhestiyon para malutas ang trapiko.

Naiintindihan ko ang inconvenience na idudulot ng panukala sa mga pasahero na bumibiyahe. Pero dapat mabigyan ng chance ang panukala.

Sa Japan, Hong Kong at Singapore, may mga designated bus terminals lamang na pwedeng bumaba at sumakay ang mga pasahero. Malayo ang kanilang nilalakad para sumakay ng ibang pampublikong sasakyan, para ipagpatuloy ang pagbibiyahe. Hindi sila nagrereklamo bagkus itinuturing nilang ehersisyo ang paglalakad.

Ang siste sa atin, masyado tayong nasanay na lahat nandiyan na agad sa ating tabi. Kulang din tayo sa disiplina.

Ipinatigil na muna pansamantala ng MMDA ang pagpapatupad ng panukala at nais nilang makipagdiyalogo sa mga kinauukulan.

Ang mga ito ang magbibigay ng guidelines at implementing rules para ipatupad ang panukala. Kapag nagkaroon na ng maliwanag na regulasyon saka pa lamang itutuloy ng MMDA ang planong pagsasara ng humigit kumulang sa 40 provincial bus terminals sa EDSA at gamitin na lang ang mga terminal sa Valenzuela, Sta. Rosa, Laguna at Parañaque Integrated Terminal Exchange.

May suhestiyon din na maglalagay ng mga Point-to-Point (P2P) bus para sa tuloy na pagbiyahe patungong EDSA at Maynila.

Sisiguraduhin din na ang singil sa P2P ay patas at ‘di madadagdagan ang pamasahe.

Maraming provincial bus driver na walang disiplina. ‘Di sila sumusunod sa speed limit.

Dapat tutukan din ng MMDA ang iba pang ­mga light trucks o van na wala ring pakundagan.

Sang-ayon din ako sa pagpapatupad ng window hours para sa mga provincial bus sa EDSA. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

157

Related posts

Leave a Comment