DALAWANG opisyal ng Palasyo na tinanggal dahil umano sa katiwalian at sa pang-aabuso sa kanilang posisyon ang ngayon ay nakapwesto sa Kamara bilang mga senior staff ng dalawang kilala at powerful House leaders.
Ang isa sa dalawa ay gumaganap ngayon na Chief of Staff ng powerful lady solon at ang kasama niya ay nasa opisina naman ng mataas na lider ng Kamara.
Parehong babae itong dalawa na nagbantang ‘sisiraan’ nila ang opisyal ng Malakanyang na nagrekomendang sila ay matanggal sa pwesto noong Hunyo 2024.
Isang nagngangalang Yeye ang sinasabing nagpadrino para mailapit ang dismissed Palace officials sa liderato ng Kamara upang maipwesto na senior staff ng dalawang influential House leaders na posible umanong hindi batid ang ginawang katiwalian ng mga ito.
Sistema ng kickback at manipulasyon:
Batay sa mga reklamong ipinarating sa Malakanyang laban sa dalawa ay tatlong pangunahing pamamaraan ang kanilang ginamit:
1. Koleksyon mula sa kontratista. Kinakaltasan umano ng 20–30% ang mga kontratistang kasali sa infrastructure projects, habang sa soft projects tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), umaabot sa 10–15% ang hinihingi.
2. Pagbabago ng listahan ng proyekto sapagkat silang dalawa ang naatasan noon na mag-compile ng projects mula sa LGU at mambabatas. Binabago umano ng dalawa ang listahan bago isumite sa DPWH at DBM. Pinalalabas umanong ito ay may basbas ng kanyang boss upang mapondohan agad ng Kongreso.
3. Direktang koleksiyon. Kapag napondohan ang proyekto, mismong silang dalawa ang nakikipagpulong sa mga kontratista upang manghingi ng pera “para sa kanilang boss.” Nabisto ang kanilang “kickback scheme” nang magsumbong ang kanilang mga biktima diretso sa Palasyo.
Reklamong nagpasiklab ng aksyon:
Isang maliit na proyekto ng isang LGU sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ang nagsiwalat ng mas malaking operasyon. Ipinabatid ng alkalde – na malapit na kaalyado ng isang mataas na opisyal sa Malakanyang na ang dalawang lady officials ay nangolekta ng 20% komisyon gamit ang pangalan ng kanilang boss.
Luho ng dalawang “axed lady officials nalantad:
Bukod sa mga reklamong pormal, naging lantad din ang biglaang pag-angat ng kanilang pamumuhay na taliwas sa kanilang sahod bilang opisyal ng gobyerno:
<> Isang mansion sa Cebu na nagkakahalaga ng ₱45M
<> Isang condominium na nagkakahalaga ng ₱35M
<> Madalas na overseas travel gamit ang Travel Authority mula Palasyo
<> Koleksiyon ng mamahaling gamit at bag mula Hermès, Chanel, Bottega, Gucci, Prada, Loewe, at Dior
Kasabay nito, iniimbestigahan din ang favorite contractor ng dalawa na NB Builders, na sangkot umano sa anomalya ng flood control projects sa Mindanao.
Sa kabila ng pagkakasibak, maraming kasamahan nila sa Malakanyang ang nagtanong kung nakapwesto agad sa Kongreso ang dalawa.
Dagdag pang tanong ng kasamahan nilang todo ang suporta sa kasalukuyang paglilinis ng Pangulo sa mga tiwaling kawani at opisyal ng gobyerno:
“Kung ang mga opisyal na sinibak dahil sa katiwalian ay mabilis na nakababalik sa kapangyarihan sa pamamagitan ng bagong mga padrino, paano masisiguro na hindi na mauulit ang parehong sistema ng pang-aabuso? At ilan pang proyekto ang natali sa ganitong uri ng “kickback machinery” na nagpapahina sa mga programang dapat nakalaan para sa mahihirap?”
359 