INFLATION BAHAGYANG BUMAGAL, UNEMPLOYMENT TUMAAS

BAHAGYANG bumagal ang headline inflation sa Pilipinas noong Hulyo 2026, ngunit kasabay nito ay tumaas ang unemployment rate noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Bumaba sa 6.2 porsiyento ang inflation noong Hulyo mula sa 6.4 porsiyento noong Hunyo. Gayunman, tumaas naman ang unemployment rate sa 4.9 porsiyento o katumbas ng 2.59 milyong Pilipino na walang trabaho noong Hunyo.

Mas mataas ito kumpara sa 4.8 porsiyento o 2.50 milyong walang trabaho noong Mayo at 3.7 porsiyento o 1.95 milyong walang trabaho noong Hunyo 2025.

Batay sa Labor Force Survey ng PSA na isinagawa mula Hunyo 8 hanggang Hunyo 27, nanatiling pinakamalaking employer ang services sector na may 62.7 porsyento ng kabuuang employment, sinundan ng agriculture sector na may 20 porsyento at industry sector na may 17.3 porsyento.

Sa kabila ng pagbagal ng inflation, nanatiling mataas ang presyo ng pagkain. Hindi nagbago ang food inflation at nanatili sa 5.3 porsyento.

Patuloy ring tumaas ang presyo ng bigas, kung saan umakyat sa 17.1 porsyento ang rice inflation—ang pinakamataas mula noong Hulyo 2024. Umabot naman sa ₱49.55 kada kilo ang average retail price ng regular milled rice.

Ayon sa PSA, pangunahing dahilan ng pagbagal ng inflation ang mas mabagal na pagtaas ng gastusin sa transportasyon, kung saan bumaba ang annual transport inflation sa 11.9 porsyento noong Hulyo mula sa 12.8 porsiyento noong Hunyo.

Nakatulong din sa pagbagal ng inflation ang mas mababang pagtaas ng presyo sa education services, restaurants at accommodation services.

Ayon pa sa PSA, nakaambag din ang mga hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kabilang ang pagtaas ng interest rates, upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

(JESSE RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment