MAY umiiral pa ring standing order si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ayon sa Malakanyang.
“Yes, still, there is,” tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung nananatiling epektibo ang direktiba ng Pangulo.
Ayon kay Castro, patuloy na umiiral ang naturang utos habang isinasagawa ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kanilang mga hakbang kaugnay ng pag-aresto sa senador.
“Hahayaan po natin ang DOJ at ang DILG na siyang sumagot po diyan dahil sila ang nakakaalam kung anong operasyon ang kinakailangan para po mabilis na maaresto si Senator Bato Dela Rosa,” ani Castro.
Nauna nang naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi rin ni Castro na inatasan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang Anti-Fake Desk na imbestigahan ang pinagmulan ng maling impormasyon tungkol sa umano’y pagkakaaresto ni Dela Rosa at alamin kung may malisyosong layunin ang pagpapakalat nito.
Ayon sa Malakanyang, ang kumalat na ulat hinggil sa umano’y pag-aresto kay Dela Rosa ay isang diversion upang mailihis ang atensyon ng publiko mula sa mga usapin kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
(CHRISTIAN DALE)
57 