KABATAAN KONTRA KORUPSYON NAGMARTSA SA BULACAN

NAGSAGAWA ng kilos-protesta ang mga estudyante at kabataan mula sa iba’t ibang sektor upang kondenahin ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan. Isinagawa ang pagtitipon sa harap ng Bulacan First Engineering Office sa Barangay Tikay, Malolos City nitong Huwebes ng umaga.

Pinangunahan ng mga youth advocate mula sa Bulacan State University at Katipunan Student Movement (KASAMA) ang rally na may layuning iparating sa pamahalaang nasyonal ang panawagan na dapat may managot at makulong sa nasabing kontrobersya.

Mahigit 30 estudyante ang lumahok sa dalawang oras na kilos-protesta na nagsimula alas-10 ng umaga. Nasa 140 pulis mula sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang itinalaga upang panatilihin ang kaayusan sa lugar, ayon kay provincial director Col. Angel Garcillano.

Ayon kay Lovely Vasquez, vice president ng BulSU Student Government at chairperson ng KASAMA-BulSU, hindi matatapos sa isang rally ang kanilang kampanya laban sa katiwalian.

“Ang main goal po namin ay sugpuin ang korapsyon, panagutin ang dapat managot. Gusto po natin na lahat ng sangkot dito lalo na kongresista at senador ay panagutin,” ani Vasquez.

Dagdag pa niya, may nakatakdang mas malaking pagkilos sa Setyembre 13 na inaasahang lalahukan ng mas maraming estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad at youth groups.

Samantala, sinabi ni David De Angelo ng Bulakenyos Good Governance at Green Party of the Philippines na ang kanilang pagkilos ay hindi lang panawagan kundi babala sa mga tiwaling opisyal.”Kung walang mapapanagot at makukulong, makakarating tayo sa puntong ayaw ninyong mangyari,” aniya.

Giit pa ni De Angelo, ang panawagan ng kabataan ay hindi lamang laban sa mga opisyal kundi laban sa bulok na sistema ng gobyerno:

“Hindi ang presidente o ang nakapwesto ang patatalsikin, kundi ang sistemang nagpapahintulot sa korapsyon.”

(ELOISA SILVERIO)

60

Related posts

Leave a Comment