PINATOTOHANAN ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang pagkwestyon ni Senador Chiz Escudero sa mas mataas na pondo para sa flood control projects kaysa sa sektor ng agrikultura sa nakalipas na taon.
Sa 47th ASEAN Ministers of Agriculture and Forestry Summit sa Pasay City nitong Miyerkules, sinabi ni Laurel na malaking tulong ang naging paninindigan ni Escudero upang madagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA).
Matatandaang sa plenaryo ng Senado nitong Lunes, binatikos ni Escudero ang mas mataas na flood control budget kaysa agrikultura. “Taong 2023, nang italaga si Ginoong Kiko Laurel bilang Kalihim ng Agrikultura, tinanong ko noon: bakit mas malaki ang pondo ng flood control kaysa sa agrikultura?” ani Escudero.
Batay sa datos, nasa P102.16 bilyon lang ang pondo ng agrikultura noong 2023, samantalang umabot sa P980.25 bilyon ang flood control budget mula 2023 hanggang 2025, o halos P326.75 bilyon kada taon.
Ayon pa kay Escudero, tinulungan niya si Laurel na bawasan ang flood control budget at ilipat sa DA para sa 2024. Subalit kinuwestyon umano ito ni dating Cong. Zaldy Co sa ngalan ni Speaker Martin Romualdez. Ang sagot daw ni Laurel: “Utos ito ng Pangulo.”
Ngayong 2026 budget season, nagpasya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways at ilipat sa ibang ahensya para maiwasan ang mga anomalya sa ghost projects.
Ikinatuwa ito ni Laurel at binigyang-diin na malaking papel ang ginampanan ni Escudero para masigurong mapupunta sa mga magsasaka at mangingisda ang mas malaking bahagi ng pondo sa susunod na taon.
139 