BANTAYAN SINA MAYOR SA INFRA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TIYAK na tuwang-tuwa ngayon ang Local Government Executives dahil sa plano ng gobyerno na ipaubaya sa kanila ang pagpapatayo ng flood control projects, farm to market roads at iba pang imprastraktura dahil sa anomalyang kinasasangkutan ng maraming mga opisyal at tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pero dapat mag-ingat ang gobyerno at huwag basta-basta ibato sa LGUs lalo na sa mga mayor, ang infrastructure projects dahil open secret na marami sa kanila ay mga contractor din o kaya ay may constructions company na nakapangalan sa kanilang dummy.

May barangay captains din na blind followers ni Mayor, ang may construction business din at sa kanila ibinibigay ang mga kontrata sa paggawa ng mga kalsada na wala pang 3 buwan ay bitak-bitak na dahil mas malaki ang ninakaw na pondo kaysa aktuwal na ginamit sa materyales.

May alam kong LGU na ganyan ang modus, kasabwatan ni Mayor ang kontratistang barangay captain. Para hindi na idaan sa bidding ang isang proyekto, hahatiin ng tig-P499,000 ang isang milyong halaga ng proyekto at ang makakukuha ng kontrata ay blind followers ni Mayor.

Kaya dapat bantayan ang mga mayor kapag sa kanila ipauubaya ang pagpapagawa ng malalaking infra dahil alam naman ng lahat na hindi lang ang tiwaling mga congressman ang nangongomisyon sa mga proyekto.

Kailangang i-livestream din ang bidding sa LGUs at maging ang pagbubukas ng bidding papers dahil may alam din akong LGUs na kahit ang mga head ng isang tanggapan sa munisipyo na walang kinalaman sa infrastructure, ay may kanya-kanyang manok na kontratista.

Kapag may isang ibini-bidding na proyekto, ang mga miyembro ng Bid and Awards Committee (BAC) ay mga bata at appointee rin ni Mayor eh kaya kapag ang isang bidder ay nag-alok ng mas mababang bid ay hahanapan nila ‘yan ng butas para madiskwalipika at makapasok ang kanilang pinapaborang kontratista kahit hindi kwalipikado.

Kaya dapat mag-ingat ang gobyerno sa kanilang plano dahil baka mailipat lang sa LGUs ang katiwalian sa DPWH at wala pa ring pagbabago at magpapatuloy pa rin ang pagnanakaw sa pera ng bayan.

Panahon na rin na hindi lang ang mga congressman ang mag-identify ng mga proyekto sa kanilang congressional district na ilalagay sa National Expenditure Program (NEP) at kailangang i-involved ang lahat ng stakeholders mula barangay captain hanggang governor.

Ang laging nangyayari kasi, si Congressman lang ang nagdedesisyon at kapag hindi niya kakampi ang LGUs sa kanyang distrito ay hindi nilalagyan ng proyekto lalo na kapag natalo siya sa lugar na ‘yun sa nakaraang eleksyon.

Kailangang alisin na rin sa power ng congressman ang pagpili ng district engineer dahil nagsasabwatan talaga ang mga iyan dahil kung hindi dahil kay Cong ay hindi maa-appoint si DE sa kanyang juicy position.

Kaya maraming congressman ang walang naipasang batas dahil ang hinahabol nila ay proyekto at pagkapit sa kapangyarihan sa kanilang distrito as in nagnenegosyo lang at hindi talaga nagseserbisyo.

181

Related posts

Leave a Comment