Pondo sa ghost projects galing sa ‘pork’ MARCOS ISAMA SA ICI INVESTIGATION – SOLON

IGINIIT ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na dapat isama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iniimbestigahan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Tinio, mula sa lump sum at unprogrammed appropriations o tinatawag niyang “presidential pork” nanggaling ang pondo ng mga proyekto na ngayon ay iniimbestigahan, kabilang ang mga substandard at ghost projects.

Ibinulgar ng kongresista na mula 2023 hanggang 2024, aabot sa 3,700 proyekto na nagkakahalaga ng P214 bilyon ang inaprubahan mismo ng Pangulo. Kabilang dito ang mga proyekto na umano’y pinagkakitaan din ng ilang mambabatas.

Tinuligsa rin ni Tinio ang pahayag ng Malacañang na walang kinalaman si Marcos at siya pa ang nagpasimuno ng imbestigasyon.

“Kaya ang hamon namin kay Presidente Marcos, aminin ang kanyang papel sa pag-apruba sa mga karagdagang proyektong ito na mahigit tatlong libo mula sa kanyang presidential pork barrel,” ani Tinio.

Malinaw aniya na dahil inaprubahan ng Pangulo ang mga proyektong ito ay nagkaroon ng mas maraming proyekto na lumalabas na sangkot sa katiwalian na nakikita ngayon ng taumbayan.

Giit niya, “Hindi man siya ang direktang nagpapatupad, malinaw na siya ang nag-apruba kaya dapat managot din siya sa mga proyektong ngayon ay batbat ng anomalya.”

(BERNARD TAGUINOD)

164

Related posts

Leave a Comment