64 iniulat na nasawi 6.9 MAGNITUDE QUAKE YUMANIG SA CEBU

NAKAPAGTALA na ng mahigit 60 nasawi sa pagtama ng magnitude 6.9 earthquake sa Bogo City, Cebu, Martes ng alas-9:59 ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Agad namang inatasan ni Acting PNP Chief PLTGen Jose Melencio Nartatez Jr., ang PRO-7 na i-activate ang Disaster Incident Management Task Group.

Kabilang sa mandato ng task group ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), accounting ng lahat ng tauhan at kagamitan, at pagtutok sa search, rescue, at relief operations.

Sa inisyal na ulat, ang pagyanig ay nagdulot ng sunog sa SM Consolacion, pagbagsak ng tunnel sa Mambaling, pagguho ng simbahan sa Daanbantayan, at pagkasira ng ilang establisimyento sa Cebu City.

Naranasan din ang malawakang brownout sa mga bayan at lungsod kabilang ang Talisay, Bogo, Danao, Toledo, at ilang bahagi ng hilagang Cebu.

Sa pinakahuling ulat, 64 na ang patay — 30 sa Bogo, 22 sa San Remigio, 10 sa Medellin, tig-iisa sa Tabuelan at Sogod — habang 147 ang sugatan. Tiniyak ni PLTGen Nartatez ang mahigpit na koordinasyon ng PNP sa NDRRMC, LGUs, at iba pang ahensya ng gobyerno para sa mabilis na pagtugon.

Samantala, iginiit ng Phivolcs na walang kinalaman ang malakas na lindol sa pagsabog ng Bulkang Taal nitong Miyerkoles. Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, natural na paminsan-minsan ay nag-aalburuto ang bulkan na nakapagtala na ng mahigit 90 phreatic at phreatomagmatic eruptions mula pa noong Abril 2024.

Nananatili ang Taal Volcano sa Alert Level 1, na nangangahulugang abnormal pa rin ang kondisyon nito at may posibilidad ng biglaang pagsabog, volcanic earthquakes, manipis na ashfall, at pagbuga ng toxic gas. Pinayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.

Code White Alert

Itinaas naman ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert sa Central Visayas kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu.

Sa ilalim ng alerto, nakahanda ang DOH Operations Center para magbigay ng gamot, medical equipment, at Health Emergency Response Teams sa mga apektadong lugar.

Nag-deploy na rin ng medical teams sa Bogo City, ang sentro ng pagyanig. Kabilang dito ang mga general surgeons, emergency medicine doctors, orthopedic specialists, pati na rin ang medical supplies para sa mga sugatan.

Ayon sa DOH, agad na kumilos ang kanilang mga ospital at regional offices matapos masiguro ang kaligtasan ng mga health worker.

Ang mga tauhan mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center, Cebu South Medical Center, at Centers for Health Development sa Central at Eastern Visayas ay nakipag-ugnayan na sa Office of Civil Defense para sa koordinadong disaster response.

Muling nanawagan ang DOH sa publiko na makinig sa advisories ng lokal na pamahalaan at maging handa sa mga posibleng aftershocks.

Kamara Nakiramay

Nakiramay ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Bogo, Cebu at karatig-lugar noong Martes ng gabi, Setyembre 30, na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 53 katao. Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa mga ahensya at lokal na pamahalaan para matiyak na maiparating ang agarang serbisyong medikal at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta.

Dagdag ni Dy, nakausap na rin niya ang mga kinatawan ng mga apektadong distrito upang suportahan ang kanilang relief efforts. Aniya, handa ang Kongreso na maging katuwang sa pagbabalangkas ng mga programang makatutulong sa pagbangon ng mga nasalanta at sa pagpapalakas ng kahandaan ng bansa laban sa mga sakuna.

Samantala, iminungkahi ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Robert Nazal na mag-ambagan ang mga kongresista mula sa kanilang sweldo o personal na pera upang makapagbigay ng agarang tulong ang Kamara sa mga biktima.

Pinanukala rin ni Nazal ang paglalaan ng pondo mula sa 2026 national budget para sa mga lugar na naapektuhan ng lindol upang matiyak na makababangon agad ang mga komunidad sa Cebu at kalapit na lalawigan.

Kumilos Agad – Marcos

Kaagad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng search and rescue, medical assistance, at relief operations matapos tumama ang lindol. Nakiramay rin siya sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at nanawagan sa publiko na manatiling alerto.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nasa ground na ang PNP at BFP para pangunahan ang search and rescue at tiyakin ang seguridad laban sa posibleng looting. Nag-deploy din ang DOH ng medical teams, habang ang DOTr at Coast Guard ay nagpadala ng barko, K9 units, emergency supplies, at mga health worker sa apektadong lugar.

Samantala, iniulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na may 300,000 family food packs na nakahanda para ipamahagi, habang naghahanda rin ang Coast Guard ng water desalination systems upang tugunan ang kakulangan ng malinis na tubig sa northern Cebu.

Kasabay nito, nagsasagawa na ng road safety checks ang DPWH, habang ang DOE ay kumikilos upang maibalik ang kuryente. “Sama-sama nating itatawid ang ating mga kababayan at muling itatayo ang mga komunidad na naapektuhan,” pahayag ng Pangulo.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

193

Related posts

Leave a Comment