BINANATAN ni Dasmariñas City, Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga si House Speaker Martin Romualdez matapos igiit na ito ang dapat unang imbestigahan sa lumulobong isyu ng anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa ambush interview, walang paligoy-ligoy na sinabi ni Barzaga—na anak ni dating NUP president Elpidio “Pidi” Barzaga Jr.—na hindi kapani-paniwala kung walang kinalaman ang lider ng Kamara sa bilyong pisong flood control projects.
“If anyone be investigated, the first person to be investigated is Speaker Martin Romualdez,” madiin na pahayag ni Barzaga. “It’s very unlikely for the Speaker to have no involvement in such a large issue.”
Nang uritin ng media kung may hawak siyang ebidensya laban kay Romualdez, tumugon si Barzaga: “I have some personal knowledge. I will not elaborate yet. But Speaker Romualdez should be involved in the DPWH hearing.”
Mariin din niyang itinanggi ang alegasyon na nangangalap siya ng lagda para patalsikin si Romualdez bilang Speaker. Pero inamin niyang mabigat sa kanyang kalooban ang pagboto rito bilang lider ng Kamara, lalo na’t kontrolado umano ng kanyang dating partido ang boto.
Muntik na rin umanong mag-privilege speech si Barzaga upang ilantad ang isyu pero pinigilan siya ng NUP na pinamumunuan ni Antipolo Rep. Ronaldo Puno, dahil maaari siyang makasuhan sa Ethics committee kapag nagbanggit ng mga pangalan ng kongresista.
Sa panig ng Speaker, agad na dumipensa ang bagong tagapagsalita nitong si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers. Giit niya, walang kinalaman si Romualdez sa mga proyekto ng DPWH.
Binigyang-diin ni Barbers na nang italagang caretaker si Romualdez sa distrito ng Dasmariñas noong 19th Congress matapos pumanaw si Pidi Barzaga, limitado lang ito sa “administrative role.”
“He did not interfere in infrastructure projects or funding decisions. His office only ensured the continuation of essential services and upheld the late congressman’s commitment to his constituents,” ani Barbers.
Dagdag pa niya, walang dahilan para magbitiw si Romualdez dahil buo pa rin ang tiwala ng nakararaming kongresista sa lider ng Kamara.
(BERNARD TAGUINOD)
