NAUUBUSAN na ng pasensya ang National Unity Party (NUP) kay Dasmariñas City Rep. Francis “Kiko” Barzaga matapos ilantad ng partido na nakatakda na itong sampahan ng kaso sa House Ethics Committee.
Ayon kay Antipolo Rep. Ronaldo Puno, chairman ng NUP, paulit-ulit nang lumalabag si Barzaga sa mga panuntunan ng Kamara dahil sa kanyang mga banat at pahayag na umano’y nakakapag-udyok ng kaguluhan.
“When a Member deliberately engages in inflammatory rhetoric… it constitutes a willful degradation of standards,” saad ng opisyal na pahayag ng NUP.
Matatandaang nag-resign si Barzaga sa NUP matapos akusahan itong nangangalap ng lagda para patalsikin si House Speaker Martin Romualdez. Bukod dito, nais din umano ng kongresista na isama si Romualdez sa imbestigasyon sa flood control anomaly.
Hindi pa nakuntento, sunod-sunod ang mga social media posts ni Barzaga laban hindi lang kay Romualdez kundi maging kina Senate President Vicente Sotto III, Sen. Panfilo Lacson, Justice Secretary Boying Remulla, at Interior Sec. Jonvic Remulla.
Giit ng NUP, malinaw na lumabag si Barzaga sa House Code of Conduct, RA 6713 o Code of Conduct for Public Officials, at posibleng saklaw din ng Inciting to Sedition sa ilalim ng Revised Penal Code.
“The words and conduct of a Congressman are not ordinary… When spoken recklessly, they can destroy,” dagdag pa ng NUP statement.
Posibleng kaharapin ni Barzaga ang reprimand, suspension, o pinakamabigat—ang matanggal bilang miyembro ng Kamara.
Ayon kay Puno, sinubukan pa nilang makipag-ayos kay Barzaga bilang respeto sa kanyang yumaong ama, si dating Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., isa sa mga founder ng NUP. Pero mismong ina ng mambabatas, si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga, ang umaming hindi na rin niya kayang kontrolin ang anak.
(BERNARD TAGUINOD)
208
