MABILIS na umugong ang balita na muling nabaril umano si dating accused drug lord Albuera, Leyte Mayor Kerwin Espinosa at itinakbo sa Manila Doctors Hospital.
Ayon sa abogado ni Mayor Espinosa, ito ay “fake news”.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Raymund Palad, ang alkalde ay hindi binaril, kundi dumaan lamang sa isang medical check-up para sa iniinda nitong injury sa kanyang kanang kamay.
Kinumpirma ng abogado ni Espinosa na nakausap niya si Kerwin, kaya’t sinabi nitong malisyoso ang mga kumakalat na dinala umano sa Maynila ang alkalde para gamutin matapos mabaril.
Matatandaan na noong Abril ng taong ito, sa kasagsagan ng kampanya para sa May midterm election, ay binaril si Espinosa sa loob ng isang gymnasium habang nangangampanya para sa pagka-mayor.
Pinabulaanan niya ang mga paratang na siya ang nagplano ng ambush, at ipinaabot ang takot para sa kanyang buhay matapos magsampa ng kaso laban sa pitong pulis na sangkot sa insidente.
Ayon naman sa PNP, pawang negatibo sa paraffin test ang mga pulis na inakusahan sa insidente.
(JESSE RUIZ)
170
