Taumbayan kailangan na magkaisa MAGNANAKAW NG PERA NG BAYAN SINGILIN *Trillion Peso March sa Set. 21

(BERNARD TAGUINOD)

KAILANGANG tumindig na ang sambayanang Pilipino laban sa katiwalian dahil naging bisyo na umano ng ilan sa gobyerno ang pagnanakaw sa kaban ng bayan na naging dahilan ng patuloy na kahirapan sa bansa.

Ginawa ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang pahayag habang naghahanda ang mga ito sa “Trillion Peso March” sa Setyembre 21, para ipanawagan na lahat ng sangkot sa “multi-trillion flood control corruption scandal” ay mapanagot.

“Nailantad na ng paulit-ulit, nakasuhan na at nakulong pa ng makailang ulit ang iba, pero tila ginawa na talaga nilang bisyo ang pagnanakaw. For the longest time, they have abused our institutions as safe havens for their corrupt practices. Tama na! Let’s make this country unsafe and inhospitable to all plunderers, especially the repeat offenders,” ani Cendaña.

Hindi lamang aniya ang mga plunderer ngayong administrasyon ang dapat habulin kundi maging noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sila ang nagpayaman sa mga Discaya.

“Panagutin natin ang lahat, lalong-lalo na ang mga mandarambong noong panahon ni Duterte. Tandaan, lumobo ang ilegal na kayamanan ng mga Discaya noong nakaraang administrasyon.

Bilyon-bilyon din ang hindi maipaliwanag na flood control at infrastructure projects ng nakaraang pamunuan. Huwag na huwag tayong makakalimot, lalo na at pilit nila itong pinagtatakpan, at tinatangkang gamitin ang ating galit para sa kanilang interes. Huwag tayong papayag,” ayon pa kay Cendaña.

Suportado ng iba’t ibang grupo ang protesta tulad ng SIKLAB, CLCNT, Tindig Pilipinas, Akbayan Party, Kalipunan at Nagkakaisang Labor Coalition.

“Ang kaban ng bayan ay galing sa luha at pawis ng taumbayan. Tungkulin natin bilang mamamayan na ito’y bantayan, tiyakin na nagagamit sa tama, at hindi napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kanilang mga kasabwat. Ngayon ang panahon para tayo’y tumindig at magkaisa laban sa korapsyon,” panghihikayat naman ng kapartido ni Cendaña na si Rep. Chel Diokno, sa sambayanang Pilipino.

Ayon naman sa isa pa nilang kapartido na si Rep. Dadah Kiram Ismula, ito na ang panahon para magkaisa ang sambayanang Pilipino at singilin ang mga kawatan sa gobyerno na dahilan ng paghihirap ng mas nakararaming Pilipino.

“Ipokrito si BBM”

Tinawag namang kaipokritahan ng mga militanteng kongresista ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suportado niya ang kilos-protesta laban sa katiwalian sa flood control projects sa darating na Setyembre 21.

Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, walang kwenta ang sinasabing suporta ng Pangulo kung mismong mga pulis naman nito ang nanggigipit at nagkakalat ng kasinungalingan laban sa mga raliyista.

“Walang kwenta ang suporta ng Palasyo kung patuloy ang harassment sa mga aktibista. Si Marcos pa mismo ang nagpatupad ng budget na puno ng katiwalian. Kaya basura ang pahayag niyang sasama siya sa protesta kung hindi siya Pangulo,” banat ni Tinio.

Dagdag pa niya, maniniwala lang ang taumbayan kung ibabalik muna ng pamilya Marcos ang yaman na ninakaw noong Martial Law.

Sumang-ayon si Kabataan party-list Rep. Renee Co, na nagsabing takot ang administrasyon sa Setyembre 21 dahil mabubunyag ang mas marami pang anomalya.

Ang protesta ay nakatakda sa Setyembre 21, kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972.

Samantala, hinikayat pa ni Pangulong Marcos Jr. ang mga magpoprotesta na ihayag ang kanilang sentimyento sa korupsyon sa multi-billion peso flood control projects.

“(Ipaalam) ninyo ang inyong sentimiyento. (Ipaalam) ninyo kung paano nila kayo sinaktan, kung paano nila kayo ninakawan. (Ipaalam) niyo sa kanila, sigawan niyo, lahat gawin niyo, mag-demonstrate. Just keep it peaceful,” ayon sa Pangulo.

Paalala niya, “Kasi pagka hindi na peaceful, the police will have to do its duty to maintain peace and order.”

Sinabi pa ng Pangulo na ang kilos-protesta ay pagbibigay katwiran lamang sa galit ng mga tao sa iregularidad sa infrastructure projects.

Halos Libong Pulis Magbabantay

Kaugnay ng magaganap na kilos protesta sa Setyembre 21, magpapakalat ang Manila Police District (MPD) ng 957 pulis para magbantay.

Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, inisyal lamang ang bilang na ito at posibleng madagdagan pa depende sa makukuhang impormasyon mula sa kanilang intelligence group.

Bukod sa Luneta, nakatutok din ang mga pulis sa US Embassy, Liwasang Bonifacio, Mendiola, España Blvd., Malacañang at DPWH central office.

Bagama’t wala pang natatanggap na banta, tiniyak ng MPD na paiiralin ang maximum tolerance para matiyak na magiging maayos ang kilos-protesta.

(May dagdag na ulat sina CHRISTIAN DALE/TOTO NABAJA)

142

Related posts

Leave a Comment