PhilRECA, nanguna sa pagwawasto ng party-list seat allocation

TARGET ni KA REX CAYANONG

MALUGOD na tinatanggap ng PhilRECA Party-List ang naging pahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na magpoproklama ito ng karagdagang party-list seat upang ganap na maisakatuparan ang 20% na representasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, alinsunod sa Saligang Batas.

Matatandaang noong Mayo 15, 2025, naghain ang PhilRECA ng Motion to Proclaim the Full Number of Party-List Seats sa National Board of Canvassers (NBOC), na nagsaad na ang tamang bilang ay 64, at hindi 63, ang party-list representatives.

Sumunod dito, naghain din ito ng Position Paper at Motion to Resolve upang patibayin ang kanilang legal na argumento at ebidensya.

Ang posisyong ito ay nakabatay sa malinaw na probisyon ng 1987 Konstitusyon at Republic Act 7941 (Party-List System Act) na nagsasaad na 20% ng kabuuang kasapian ng Kamara ay dapat manggaling sa party-list. Sa pagtanggap ng COMELEC sa posisyong ito, napatunayan na ang paninindigan ng PhilRECA ay naaayon sa prinsipyo ng proportional representation na itinatadhana ng ating Saligang Batas.

Para sa PhilRECA, hindi lamang ito panalo ng kanilang sektor kundi isang mahalagang hakbang upang mapanatili ang kredibilidad ng party-list system.

Mahalaga ang desisyong ito upang masiguro na ang iba’t ibang sektor ng lipunan—lalo na ang mga nasa laylayan—ay may boses sa Kongreso.

Ayon kay Rep. Presley C. De Jesus, ginawa lamang ng PhilRECA ang tama sa pagtutok sa hinihingi ng Konstitusyon.

Bilang Deputy Minority Leader, ipinahayag niya ang kasiyahan na ang karagdagang upuan ay mapupunta rin sa hanay ng Minority Bloc.

Kanyang pinasalamatan ang mga abogado at kawani ng PhilRECA na nagsikap at nagtaguyod ng laban hanggang sa matagumpay na maipatupad ito.

Sa desisyong ito, mayroon nang 254 district representatives at 64 party-list representatives sa Kamara, o kabuuang 318 na miyembro.

Tinitiyak ng hakbang na ito na ang alokasyon para sa party-list ay ganap na nasusunod at tunay na sumasalamin sa kalooban ng mamamayan noong 2025 Party-List elections.

Para sa PhilRECA, ang paggiit na maitama ito sa COMELEC ay hindi lamang tungkulin sa kanilang sektor kundi isang serbisyo sa integridad ng buong party-list system.

Mananatili itong tapat sa pagsusulong ng interes ng rural electric cooperatives at kanilang consumer-owners, kasabay ng pagpapatibay sa makatarungan at patas na representasyon sa Mababang Kapulungan.

50

Related posts

Leave a Comment