KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
MAYAMAN sa kasaysayan ang Pilipinas – kabayanihan, katapangan, pagmamahal at pakikibaka ng mga Pilipino para sa kalayaan. Ngunit may isang nakasusukang bahagi ang nakaraan hanggang sa kasalukuyan – ang KORUPSYON sa gobyerno.
Taliwas sa tampok na yugto ng ating kasaysayan, hindi nagsimula ang maruming sistema sa ating pamahalaan noong panahon ng diktadura ni G. Ferdinand Marcos, ang tatay ni PBBM. Ang mga nauna pa sa administrasyon ni FM ay may mga nakatala ring iba’t ibang klase ng baho at anomalya na pawang ang sentro ay ang pagnanakaw sa pondo ng gobyerno.
Ang mga sumunod namang pangulo kay FM – sina Cory, FVR, Erap, GMA, PNoy, Duterte at kay PBBM ngayon – ay pawang may mga bahid pa rin ng anomalya at eskandalo na may iba’t ibang lebel ang antas ng pang-aabuso sa kapangyarihan, extra-judicial killings at mga nakawan sa pondo ng pamahalaan. Lahat ay may mga naging imbestigasyon sa Senado at Kongreso. Nagmartsa at nagprotesta ang mamamayan. May isa o dalawang manderekwat ang bumagsak sa kulungan.
Pero pagkatapos ng maiksing panahon ng ngitngit at taas-kamaong pagpupuyos ng taong-bayan, balik na muli sa dati na parang walang nangyari. Patuloy pa rin ang nakawan sa gobyerno na lalong nagigiging talamak at lumalawak sa halos lahat ng sangay at ahensya ng pamahalaan, lokal man o nasyunal hanggang sa barangay at Sangguniang Kabataan.
NGAYON…may mga bagong anomalya na naman. Flood control projects ng DPWH. Bilyon-bilyong piso ang kinurakot sa kaban ng yaman ng gobyerno na nagmula sa buwis ng taong-bayan. Sobrang garapal! Bistado na kung sino-sino ang mga nandekwat na opisyal ng pamahalaan at kanilang mga kasabwat. May mga imbestigasyon na naman sa Senado at Kongreso bukod pa ang binuong grupo ng Malakanyang. Dumadagundong na naman ang mga protesta at martsa.
Linawin lang natin. Ang dekwatan sa pondo ng gobyerno ay hindi lang nagaganap sa flood control projects at iba pang infrastructure projects ng DPWH. Ang LAHAT ng proyekto, programa ng pamahalaan kahit ultimong pagbili ng lapis at papel sa tanggapan, basta’t may lalabas na pondo – LAHAT ‘yan ay dinedekwatan. Ito ang nakagagalit at nakasusukang reyalidad sa ating gobyerno.
Ang tanong ng maraming Pilipino ngayon sa pagkakabulgar ng multi-bilyong pisong dekwatan sa flood control projects at inilunsad na gera ni PBBM laban sa graft and corruption – magwakas na kaya ang malawakang dekwatan at panggagahasa sa salapi ng taong bayan? Sana nga…sana nga.
Pero natatandaan mo ba ang EDSA People Power revolution noong Pebrero 1986 na nagresulta sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos at pagpalayas sa buong pamilya at kanilang cronies? Pumalakpak at humanga sa atin ang buong mundo.
Ang malungkot lang – sinayang natin ang pagkakataon na magsimulang muli para sa isang makabuluhang pagbabago sa lipunan. Nakalas ang mga kapit-bisig. Nalusaw ang ating pagkakaisa. Kanya-kanya na muli tayo ng pokus para sa pansariling pakikibaka sa buhay. Ipinaubaya na lang natin ang direksyon ng bansa sa mga bagong opisyales ng pamahalaan sa paniniwalang titino na sila dahil nasimulan ng pagbabago resulta ng kaganapan sa EDSA.
Ngunit ang nakadidismaya, walang aral na iniwan sa kukute ng mamamayan ang kaganapan sa isang bahagi ng Epifanio de los Santos Avenue noong 1986. Sa mga sumunod na eleksyon noon hanggang ngayon, patuloy nating ibinoboto ang mga kandidatong iisa ang kartada – mga manderekwat at abusado sa kapangyarihan. Ang mas masaklap at nakagagalit, kahit ‘yung mga napatunayan nang magnanakaw at galing na sa preso, ibinotong muli hanggang sa Kongreso at Senado.
Mula’t sapul, maraming botante ang nabubulag ng mga matatamis na salita ng mga kandidato. Mga pangakong “wawakasan ko ang paghihirap,” “magkakaroon ng maraming trabaho,” “mumura ang mga bilihin,” “magiging sagana sa pagkain,” “paiiralin ko ang katarungan para sa lahat,” at marami pang mga boladas kasabay sa pamimigay ng pera bilang kabayaran sa boto.
Ang problema – hindi TAYO natututo. Sa bawat eleksyon, muli at muli tayong nagpapaloko kahit batid natin na ang tanging pokus ng mga inihalal natin ay ang magpayaman sa puwesto sa pamamagitan ng pagnanakaw sa pamahalaan.
Dapat na tandaan ng taong bayan. Ang nakawan sa gobyerno ay araw-araw. Walang Sabado, Linggo o piyesta opisyal dahil walang sinasanto ang mga manderekwat kaya lalong naghihirap ang ating bansa.
Kailan natin ito wawakasan? Kung hindi natin babaguhin ang pamantayan sa pagpili ng kandidato…kawawa ang susunod na henerasyon. Kung naghihirap tayo ngayon, mas doble pa ang kanilang daranasin. Kung korap ang mga nasa gobyerno ngayon, lalo pa silang darami.
NGAYON, pagkatapos ng malaking kilos protesta laban sa korupsyon na isasagawa sa Sept. 21…ano na ang kasunod nating hakbang? Ipagpapatuloy ang protesta sa Facebook? Manonood na lang muli tayo? Papalakpak kapag may ilang sinibak sa puwesto, kinasuhan at ikinulong? Ipauubaya na lang muli natin sa mga opisyales ng pamahalaan, sa imbestigasyon ng Malakanyang, Senado at Kongreso ang pagbibigay solusyon upang wakasan ang dekwatan sa salapi ng taong bayan? Na hindi pa man nakapagsisimula ang seryosong imbestigasyon – ‘yung nauna kasing imbestigasyon sa Senado na sirkus at komedya – ay inuulan na agad ng mga batikos at pagdududa? Kahit ‘yung mga imbestigador at mga iniimbestigahan ay iisa lang ang pagkatao (maliban sa iilan) – mga korap din?
Batay sa aral ng mga katulad na kaganapan sa ilang dekadang nagdaan, ang mga kilos-protesta at nililikhang ingay ngayon ng isyu ng korupsyon ay mawawala rin sa mga susunod na araw. Batid ito ng mga korap sa ating pamahalaan. Pangisi-ngisi lang sila ngayon sa isang tabi. Ito ang reyalidad. Kaya nakalulungkot man ay hindi ako optimistiko na magkakaroon ng pagbabago para sa kabutihan ng mamamayan at bansa.
Pero sana…sana ay mali ako.
183 