IGINIIT ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na dapat gawing public hearing ang pag-iimbestiga ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay sa mga iregularidad sa flood control projects.
Ayon kay Diokno, mahalaga ito para hindi magduda ang taumbayan na baka may cover-up o whitewash na nagaganap.
Ginawa ng kongresista ang panawagan matapos lumabas na hindi bukas sa publiko ang pagdinig ng ICI—kabilang na ang naging pagharap kamakailan nina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez ng Bulacan First District Engineering Office.
“Ang panawagan natin ay transparency para magkaroon talaga ng accountability. Importante bigyan natin ng kumpiyansa ang publiko na talagang ang ginagawang ng Independent Commission ay buong katotohanan,” pahayag ni Diokno.
Kaugnay nito, tiniyak ng grupo ni Diokno na itinulak nila ang House Bill 5543 na magtatatag sa ICI sa pamamagitan ng batas at hindi lamang sa executive order (EO).
Giit niya, kung magiging statutory body ang ICI, masisiguro na magiging open to the public ang mga hearing at madaragdagan ang kapangyarihan ng komisyon, kabilang na ang contempt power laban sa mga hindi susunod sa imbestigasyon.
“Doon sa ihinain namin na House Bill ay public ang hearing. Kailangan natin yan para malaman ng sambayanang Pilipino kung ano ang nangyayari at para hindi magkaroon ng cover-up at whitewash,” dagdag pa ng kongresista.
Itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinamumunuan ito ng dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes bilang chairman. Kasama rin sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, SGV & Co. Country Managing Partner Rossana Fajardo, at si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang investigator at adviser.
Bagama’t nagsimula na ang imbestigasyon ng ICI, iginiit ni Diokno na mas magiging matibay ang mandato ng komisyon kung itatatag ito sa pamamagitan ng batas upang maiwasan ang alinmang manipulasyon.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
172 