Una sa PH at Southeast Asia: Makati City tinanghal na Global Winner sa One Planet City Challenge 2026 ng WWF

Inanunsyo ni Makati Mayor Nancy Binay na kinilala ang Makati bilang Global Winner para sa developing countries category sa 2026 edition ng World Wide Fund for Nature’s (WWF) One Planet City Challenge.

Ang Makati City ang kauna-unahang lungsod sa Pilipinas at sa Southeast Asia na tumanggap ng karangalang ito.

Ayon kay Mayor Binay, buong karangalang tinatanggap ng lungsod ang pagkilala sa ngalan ng bawat residente ng Makati, mula sa mga barangay hanggang sa business community.

Aniya, pinatutunayan ng pagkilalang ito na epektibo ang pamamaraan ng Makati sa pagpapatupad ng mga climate action sa lungsod.

Kinilala ang Makati sa global award ceremony ng OPCC na ginanap noong June 30 sa Hamburg Sustainability Conference sa Germany, kung saan pinarangalan ng WWF ang mga pinakamahusay na lungsod mula sa mahigit 380 kalahok na kumakatawan sa 51 bansa sa 2025-2026 cycle.

Ang Paris, France ay tinanghal ding global winner para sa 2025-2026 cycle. Isang malaking milestone ito dahil ito ang unang pagkakataong napanalunan ng isang lungsod sa Pilipinas ang naturang global title.

Binigyang-diin ni Mayor Binay na hindi dito nagtatapos ang gawain, bagkus ay magsisilbi itong hamon upang patuloy na itaas ang mga pamantayan, pakinggan ang komunidad, at patatagin pa ang Makati para sa susunod na mga henerasyon.

Naunang kinilala ang lungsod bilang National Winner ng Pilipinas sa OPCC 2024 cycle, at mula noon ay ipinagpatuloy nito ang tagumpay sa pamamagitan ng climate adaptation at mitigation initiatives, science-aligned greenhouse gas reduction targets, at patuloy na disclosure ng environmental data sa pamamagitan ng CDP-ICLEI Track platform — na siya ring nagdulot ng A-List recognition mula sa CDP nang tatlong magkakasunod na taon.

Namuhunan din ang Makati sa green infrastructure at open space incentives, sustainable at low-carbon transport systems, mas mahusay na solid waste management, at mga programa sa disaster preparedness na idinisenyo upang palakasin ang katatagan ng komunidad laban sa climate-related hazards.

Sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Nancy, naging kauna-unahan sa Pilipinas ang Makati na gumagamit ng renewable energy sa lahat ng pampublikong gusali nito. Sa pakikipagtulungan sa ACEN Corporation, gagamit na ng solar, wind, at geothermal power ang 154 city government facilities, na inaasahang makababawas ng humigit 290,000 metric tons ng carbon emissions sa kabuuan ng kontrata.

Nagpasalamat si Mayor Binay sa mga taga-Makati at sa partner departments/offices sa kanilang suporta sa climate programs ng lungsod, gayundin sa WWF at OPCC sa pagkilala sa Makati sa global stage. Aniya, patuloy na palalakasin ng Makati ang pakikipagtulungan nito sa WWF, ICLEI, at iba pang environmental organizations habang isinusulong ang layuning maabot ang carbon neutrality.

113

Related posts

Leave a Comment