CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAKATWIRAN at napapanahon ang panawagan ng Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics na mahigpit na bantayan ng mga magulang at guardian ang paggamit ng social media ng mga menor de edad. Sa kasalukuyan, malinaw nang nakikita ang masasamang epekto ng hindi kontroladong pag-access ng mga bata sa internet at iba’t ibang online platform.
Hindi maikakaila na bukod sa mga kapaki-pakinabang na impormasyon, madaling makasalamuha ng kabataan ang mararahas na video, maling impormasyon, cyberbullying, mapanlinlang na content, at mga usaping hindi angkop sa kanilang edad. Dahil patuloy na lumalawak ang digital world, mas nagiging mahirap ding pigilan ang pagkalat ng mga content na maaaring makaapekto sa kanilang pag-iisip, emosyon, at pag-uugali.
Mas nakababahala pa ito dahil marami sa mga kabataan ang gumugugol ng mahabang oras sa social media nang walang sapat na gabay mula sa mga nakatatanda. Sa murang edad, hindi pa ganap na nahuhubog ang kanilang kakayahang suriin kung alin ang tama at mali, kaya mas madali silang maimpluwensiyahan ng nakikita at napapanood online.
Bagama’t hindi maituturing na tanging dahilan ang social media sa mga insidente ng karahasan at iba pang suliraning kinahaharap ng kabataan, hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang impluwensiya nito. Dapat magsilbi itong paalala sa mga magulang, paaralan, at mismong mga online platform na palakasin ang paggabay, digital literacy, at proteksyon para sa mga menor de edad.
Gayunman, hindi pagbabawal ang pangunahing solusyon kundi responsableng paggamit ng teknolohiya. Sa pamamagitan ng aktibong pagbabantay ng mga magulang at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga bata sa online space, mas mabibigyan sila ng ligtas na kapaligiran habang natututo at nakikinabang sa makabagong teknolohiya.
Kaya may punto rin si Sen. Bam Aquino na hindi kailangan ang blanket ban sa online games.
o0o
MAHAHARANG PA BA?
Muli na namang kumatok sa Korte Suprema ang kampo ni Vice President Sara Duterte upang ipatigil ang impeachment trial.
Sa kabila nito, kumpyansa raw ang House prosecution panel na hindi na mapipigilan ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.
Sa pagkakataong ito kasi ang kinukwestyon naman nina Atty. Israelito Torreon ay ang paghalal kay Senator Francis Chiz Escudero bilang Senate Impeachment Court Presiding Officer.
Tila pasaring ni House Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega, hindi na nakagugulat ang hakbang nina Atty. Toreon dahil ang paghahain ng petisyon ay mistulang “Bread and Butter” at “Specialty” na nila.
Para naman kay House Prosecutor Rep. Terry Ridon, pagsasayang lang ng papel ang ginagawa nina Torreon na paghahain ng mga mosyon at petisyon lalo’t nasa Senado naman na ang laban para sa pananagutan at hindi na ito mapipigilan pa.
Nitong Miyerkoles natapos ang Day 3 ng pagdinig. Muling sumalang ang unang testigo ng prosecution panel na si NBI agent John Mark Calilung na siyang nagsagawa ng forensic examination sa November 23, 2024 press conference video kung saan sinabi ni VP Sara Duterte ang balak na pagpatay kina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Syempre, para sa prosekusyon, tiwala silang nailatag nila nang maayos ang kanilang mga argumento. Ganito rin naman sa panig ng depensa. Nakatutok pa rin ang taumbayan at mukhang unti-unti nang nakukuha ang interes ng marami dahil tinututukan ang trial sa TV at YouTube.
Anoman ang maging pasya ng Senado, ang mahalaga ay matapos ang proseso nang patas, malinaw at naaayon sa Konstitusyon. Dahil sa huli, hindi lamang kapalaran ng isang opisyal ang nakasalalay kundi ang tiwala ng taumbayan sa ating mga institusyon.
55 