Sa gitna ng mga kaso sa FC anomalies BACKDOOR NG PH BANTAY-SARADO LABAN SA ‘TATAKAS’ NA POLITIKO

PINAIIGTING ng PNP Maritime Group ang pagbabantay sa backdoor routes na posibleng daanan ng mga personalidad na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects upang makatakas palabas ng bansa.

Ayon kay Col. Pedro Martirez Jr., Deputy Director for Operations ng Maritime Group, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan at awtoridad sa mga lugar tulad ng Bongao, Tawi-Tawi, na karaniwang ruta ng mga papuntang Malaysia at iba pang karatig-bansa.

Kabilang sa direktibang kanilang ipinatutupad ang pagharang sa mga personalidad na may mga kasong naihain na, upang mapigilan ang kanilang paglabas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Batay sa ulat, 33 personalidad ang nasa ilalim ngayon ng immigration lookout bulletin order ng Department of Justice (DOJ), alinsunod sa kahilingan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Kasama sa mga binabantayan ng mga otoridad ang ilang kilalang pangalan sa pulitika tulad nina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Senate President Francis Escudero, mga Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, gayundin sina dating Senador Bong Revilla at Nancy Binay.

(TOTO NABAJA)

84

Related posts

Leave a Comment