OFW WALONG TAON NANG HINDI NAKAKAUWI, HINIHILING NG ASAWA NA MAPAUWI

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

NANANAWAGAN ng tulong ang isang mister mula sa South Cotabato upang mapauwi ang kanyang kabiyak na walong (8) taon nang hindi nakakauwi mula sa Saudi Arabia.

Si Evangeline Mandac Lantingan, 34 taong gulang, kasalukuyang nagtatrabaho bilang housekeeper sa Riyadh, Saudi Arabia, ay umalis ng Pilipinas upang makapagtrabaho sa ilalim ng Gulf Synergy Employment Agency (local agency) at ng Mohammed Abdullah Alomari Recruitment Office (foreign agency). Ang kanyang employer ay si Hassa Saleh Mohammed Al-Blaihi na nakatira sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ayon sa kanyang asawa na si Joemar Lantingan ng Barangay Linan, Tupi, South Cotabato, walong taon nang hindi nakakauwi si Evangeline kahit minsan para magbakasyon.

Noong nakaraang Agosto, nakausap pa raw niya ang kanyang asawa na nagsabing may tiket na siya at nakatakdang umuwi noong ika-30 ng buwan. Subalit pagdating ng Setyembre, hindi na ito natuloy at hindi na rin nila makontak.

“Nabalitaan ko na lang sa asawa ng kapatid ko na nakausap niya si Evangeline. Sabi daw ni misis, hindi siya pinayagang umuwi ng amo niya at kinuha pa ang kanyang cellphone. Keypad phone na lang daw ang pinagamit sa kanya,” ayon kay Joemar.

Dahil dito, lumapit si Joemar sa OFW JUAN at sa SAKSI Ngayon upang humingi ng tulong para sa agarang repatriation ng kanyang asawa.

“Taos-puso po akong lumalapit sa inyo para matulungan kaming mapauwi ang aking asawa. Walong taon na siyang malayo sa amin. Sana po ay matulungan ninyo kami,” panawagan ni Joemar.

Ang kaso ni Evangeline ay isa lamang sa maraming kwento ng ating overseas Filipino workers (OFWs) na patuloy na nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang pamilya, ngunit minsan ay nagiging biktima ng kawalan ng pahintulot sa pag-uwi o paglabag sa kanilang karapatang pantao.

Patuloy ang panawagan ng OFW JUAN sa mga kinauukulan kabilang ang DMW, OWWA, at ang Philippine Embassy sa Saudi Arabia — na aksyunan ang ganitong mga kaso upang masiguro ang kaligtasan at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Para sa agarang aksyon at tulong, makipag-ugnayan sa OFW JUAN sa pamamagitan ng aming official na Facebook page o sa email na ofwjuan@yahoo.com.

5

Related posts

Leave a Comment