CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PINALAGAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng mga tagapagtanggol ni House Appropriations Chair Zaldy Co ang panawagan na kanselahin ang kanyang pasaporte — dahil daw “walang basehan sa batas hangga’t walang court order.”
Maganda pakinggan. Tunog matuwid. Pero teka, sigurado ba tayong iyon lang talaga ang nakasaad sa batas?
Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), malinaw sa Republic Act 11983 o Philippine Passport Law na maaaring kanselahin ang passport “upon order of the court” sa ilang kaso: kung may hatol na, kung tumatakas sa batas, kung terorista, o kung peke o mali ang pagkaka-isyu.
Sa madaling sabi, kung hindi peke ang passport ni Zaldy Co at wala pang utos ang hukuman, hindi pa ito pwedeng kanselahin.
Pero — at ito ang malaking PERO — hindi natatapos doon ang usapan.
Kapag binasa mo pa nang buo ang batas, may isang linya na kadalasang nilalaktawan:
“Denial of passport application or cancellation of passport for reasons other than by order of the court may be appealed to the DFA Secretary.”
Ibig sabihin, mayroon palang mga sitwasyon na pwedeng kanselahin ang passport kahit walang utos ng korte.
At saan ito nakasandig? Nasa Section 4 mismo ng batas:
“In the interest of national security, public safety, and public health… the DFA Secretary may deny issuance or cancel a passport.”
Aba, ayun naman pala!
Kaya ang tanong ngayon: Ang kaso ba ni Zaldy Co ay may kinalaman sa national security, public safety, o public health?
Ang sagot ng kampo ni Co: Hindi naman siya terorista, hindi rin banta sa kalusugan o kaligtasan ng publiko. Kaya, anila, walang basehan ang DFA.
Pero heto ang punto ni Atty. Inton: “Sandali lang — kung ang pandarambong sa kaban ng bayan ay nagpapahina sa gobyerno, sa tiwala ng taumbayan, at sa mga institusyong dapat nagpoprotekta sa bansa, hindi ba’t iyan ay banta rin sa national security?”
Hindi ba’t kung nasisira ang tiwala ng mamamayan sa mga opisyal ng gobyerno, kung nalulustay ang pondong dapat sana’y pang-imprastraktura, edukasyon at kalusugan, hindi ba ito mismong ugat ng kahinaan ng bansa?
Kung gayon, may argumento — hindi lang moral kundi legal — para sabihing may puwang ang DFA na kumilos.
Pero syempre, kilala natin ang kultura sa gobyerno: “Walang gagalaw kung walang utos.”
At dahil ang DFA Secretary ay alter ego ng Pangulo, malinaw kung sino ang may huling desisyon.
Mr. President, it’s your call.
Pipiliin n’yo bang panatilihin ang pasaporte ni Zaldy Co dahil “wala pang utos ng korte”? O kikilalanin ninyo na minsan, ang tunay na banta sa national security ay hindi galing sa labas ng bansa—kundi sa loob mismo ng gobyerno?
o0o
Ito ang isa pang isyu ngayon.
Dumarami ang kaso ng trangkaso, at sa naiulat na tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may trangkaso sa mga pribadong opisyal.
Karamihan daw sa mga pasyente ay mga bata at seniors.
Sa pribadong ospital lang ‘yan. Ilan naman kaya sa mga pampublikong pagamutan ang bilang ng pasyenteng may influenza-like na sakit?
Ano rin ang pigura ng mga may trangkaso na nasa bahay lamang?
Sabagay, sabi nga ng iba, uso lang sakit na ‘yan. Nagagamot nang sarili.
Sa hirap nga naman ng buhay ngayon ay kinakailangang tipid pa rin pagdating sa kalusugan.
Konting haplos, hilot at inom ng gamot na hindi kailangan ang reseta ng doktor ay pwede na.
Saka lang dadalhin sa pagamutan kapag medyo malala na ang pakiramdam.
Teka, wala naman daw flu outbreak sa bansa.
Mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11 ay naitala ang 6,457 mga kaso influenza-like illnesses sa buong bansa. Mas mababa ito sa 8,628 noong isang taon.
Naku, kahit bumaba ay libo pa rin ang pinag-uusapan, at marami ang hindi nabibilang na nagkakasakit.
Walang outbreak kaya hindi mandatoryo ang pagsuot ng face mask.
Hinihikayat na lang ang publiko na magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa mga mga virus na maaaring magdulot ng pneumonia.
Mahikayat kaya ang mga sutil?
9
