NAGING mapayapa, maayos, at ligtas ang paggunita ng Undas 2025 sa buong bansa, na resulta umano ng matagumpay na pagpapatupad ng Oplan Ligtas Undas 2025, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pangunguna ni Acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., maagang isinagawa ang mga paghahanda upang tiyakin ang seguridad ng mga biyahero at ang kaayusan sa mga sementeryo, terminal, at pangunahing lansangan.
Sa kabila ng dagsa ng mga bumyahe at dumalaw sa mga sementeryo, nanatiling matiwasay at walang naitalang malalaking insidente sa halos lahat ng rehiyon.
Pinangunahan ni Lt. Gen. Nartatez ang malawakang deployment ng mga pulis sa buong bansa, na sinabayan ng mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, transport agencies, at civic groups. Ayon sa kanya, ang tagumpay ng Undas ay hindi lamang tagumpay ng kapulisan, kundi tagumpay ng sambayanang Pilipino — patunay na sa disiplina at pagkakaisa, ligtas ang lahat.
Kasama sa mga epektibong hakbang ng PNP ang mahigpit na traffic management, crowd control, at public assistance operations.
Dahil sa maagang deployment ng mga pulis at dagdag na assistance desks, naging kontrolado ang daloy ng trapiko at mabilis na naresolba ang mga aberya.
Ayon sa PNP Public Information Office, nanatiling aktibo ang mga police assistance desks sa mga sementeryo, terminal, at matataong lugar sa buong bansa. Wala ring naitalang seryosong krimen o kaguluhan sa panahon ng Undas.
Pinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang lahat ng pulis na nagserbisyo kahit sa araw ng pahinga, bilang patunay ng kanilang dedikasyon at malasakit sa publiko. “Ang kapayapaan ngayong Undas ay hindi lang bunga ng operasyon — ito ay bunga ng pagtutulungan ng bawat Pilipino,” aniya.
Sa pagtatapos ng Undas 2025, pinuri ng PNP ang publiko sa ipinakitang disiplina at kooperasyon, gayundin ang mga lokal na pamahalaan at ahensya na nakatuwang sa pagpapanatili ng kaayusan.
Patuloy namang magbabantay ang PNP sa mga terminal, lansangan, at komunidad habang nagsisiuwian na ang mga biyahero, upang matiyak na ligtas at maayos ang pagbabalik ng lahat sa kani-kanilang tahanan.
Sa pamumuno ni Lt. Gen. Nartatez, muling pinatunayan ng PNP ang kanilang kahandaan, propesyonalismo, at malasakit sa publiko — isang malinaw na mensahe na ang serbisyong pulis ay disiplinado, maaasahan, at tapat sa tungkulin.
(JULIET PACOT)
97
