Para masilayan Manila Bay sunset ISKO SA DPWH: SEWAGE TREATMENT PLANT ILIPAT

UPANG masilayan muli ang ganda ng paglubog ng araw sa Manila Bay, hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mailipat ang sewage treatment plant (STP) sa CCP Complex mula sa Roxas Boulevard.

Sinabi ni Mayor Isko sa kanyang pagdalo sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) sa punong tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes ng umaga, hindi na magandang tingnan ang STP dahil ginagawa nang tambakan ng mga makina bukod sa sagabal sa Manila Bay sunset view.

Sinabi ng alkalde, hindi niya tinututulan ang pagtatayo ng STP na maganda aniya ang intensyon ngunit hindi na niya napangangalagaan nang maayos ang istruktura at nagiging sagabal na sa kagandahan ng Manila Bay area.

Binatikos din ng alkalde ang paglalagay ng puting bakod sa paligid ng ilang pasilidad.

Pinuri at sinuportahan naman ni Mayor Isko ang ginagawa ngayon ng DPWH na pag-upgrade sa water at drainage systems, pati na ang paglalagay ng mas malaking tubo sa kahabaan ng Taft Avenue upang maibsan ang pagbaha sa distrito ng Ermita at Malate.

(JOCELYN DOMENDEN)

55

Related posts

Leave a Comment