Sa gitna ng kaguluhan sa bansa MANALIG SA KATOTOHANAN HINDI SA TSISMIS – GOITIA

PINAALALAHANAN ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang sambayanang Pilipino na huwag unahin ang tsismis kaysa katotohanan at ingay kaysa katinuan. Ayon sa kanya, “Hindi kailangan ng katotohanan ang drama. Nananatili ito dahil totoo.”

Aniya, lumalakas lamang ang boses ng kasinungalingan dahil marami ang ayaw makipaglaban sa katotohanan. Sa kabila ng mga walang basehang paratang, nananatiling tahimik ngunit tuloy-tuloy ang pagtatrabaho ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta Marcos para sa kapakanan ng bansa.

Hindi humihinto ang pamahalaan dahil sa gustong lumikha ng iskandalo. Patuloy ang pag-unlad ng ekonomiya, imprastruktura, at serbisyong panlipunan. “Lahat ng ito ay nagpapatuloy dahil hindi nagpapadala ang Pangulo sa ingay. Ang tunay na lider ay hindi nagpapadikta sa sigawan. Nagseserbisyo sila anoman ang sabihin ng iba,” paliwanag ni Goitia.

Binigyang-diin din niya ang katatagan ng Unang Ginang na tinatarget dahil hindi siya nakikisabay sa ingay ng pulitika. Nakatuon si Liza Araneta Marcos sa kultura, edukasyon, at pagpapalakas ng pamahalaang institusyonal. “Ang hindi nila kayang kontrolin, ay siya nilang inaapakan,” sabi ni Goitia.

Aniya, ang walang basehang paninira ay hindi lang nakakasira ng pangalan, kundi nakakasira rin ng bansa—nililito ang bayan, hinahati ang komunidad, at pinapahina ang mga institusyon. “Lason ang tsismis. Hindi ito naglilingkod sa bayan. Naglilingkod lang ito sa mga gustong maghasik ng kaguluhan.”

Hinimok niya ang publiko na hanapin ang ebidensya, hindi emosyon. Katotohanan, hindi haka-haka. Sa kabila ng paninira, nananatiling nagtatrabaho ang Pangulo at ang Unang Ginang sa tahimik at tapat na paraan.

“Habang inuubos ng iba ang oras nila sa paggawa ng ingay, ang Pangulo at ang Unang Ginang ay nagtatrabaho. Iyan ang tunay na liderato,” dagdag ni Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations—ABKD, PADER, LIPI, at FDNY Movement—kung saan itinataguyod niya ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.

77

Related posts

Leave a Comment