QUEZON – Patay ang isang ginang nang makuryente habang sinasagip ang alagang pusang nagkukombulsyon sa Barangay Sildora, sa bayan ng Agdangan sa lalawigan.
Kinilala ang nasawi na si Jieseca Cay Ramirez, 40-taong gulang, residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, nitong Huwebes ay nakita ng biktima ang kanyang pusa na nagkukombulsyon habang nasa labas ng kanilang bahay kaya agad niyang nilapitan upang tulungan.
Ngunit hindi umano napansin ng ginang ang isang live wire na bumagsak sa lupa at natisod niya dahilan para siya ay makuryente.
Nawalan ito ng malay at agad dinala sa Quezon Provincial Hospital Network–Unisan subalit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Ayon sa ulat, nasawi rin ang alagang pusa na pinaniniwalaang unang nakuryente bago pa ang biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
49
