DY, MARCOS DINAGDAGAN ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL SA KAMARA

DINAGDAGAN nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos ang listahan ng panukalang batas na kabilang sa apat na reporma na iprayoridad sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pamamagitan ng paghahain ng isang panukalang magbabawal sa political dynasty.

Noong Miyerkoles, inihain nina Dy at Marcos ang House Bill (HB) 6771 o “Anti-Political Dynasty Act,” na katulad ng mga naunang panukalang inihain ng Makabayan bloc at Liberal Party bloc.

Inilabas ang panukala ilang araw matapos utusan ng Pangulo ang Kongreso na unahin ang pagtalakay sa apat na reform bills: Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, Citizens’ Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, at Anti-Political Dynasty Act.

Bagaman kapwa nagmula sa political families sa Isabela at Ilocos Norte, sinabi ng dalawang mambabatas na panahon nang magkaroon ng batas upang maisakatuparan ang Article II, Section 26 ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties.

“With this measure, Congress will finally fulfill its constitutional mandate to prohibit political dynasties and take a crucial step toward building a more inclusive and accountable political system for all Filipinos,” ayon sa paliwanag nila sa panukala.

Aminado ang mga may-akda na nananatiling laganap ang political dynasty dahil walang enabling law na magpapatupad sa probisyong ito ng Saligang Batas.

Sa oras na maging batas, isang miyembro lamang ng bawat pamilya ang maaaring tumakbo sa panahon ng halalan, taliwas sa kasalukuyang praktis kung saan sabay-sabay na nakapagtatala ng kandidatura ang magkakapamilya sa iba’t ibang posisyon.

“It aims to uphold the integrity, competitiveness, and inclusivity of democratic institutions by ensuring that public office is earned through meritocracy and public confidence,” ayon pa sa dalawa.

(BERNARD TAGUINOD)

55

Related posts

Leave a Comment