(NI KEVIN COLLANTES)
INIHAYAG ni Education Secretary Leonor Briones na mangangailangan ang pamahalaan ng P150 bilyon para maipagkaloob ang P10,000 buwanang umento sa sahod na inihihirit ng mga public school teachers.
Ayon kay Briones, hindi pa kasama sa naturang estimate ang performance bonus na ipinagkakaloob rin nila sa mga guro taun-taon.
Anang kalihim, isa sa mga dapat na ikonsidera ng pamahalaan sa pag-apruba sa salary increase na inihihirit ng mga guro ay kung handa na ba ang mga mamamayan na magbayad ng karagdagang buwis para maipagkaloob ang naturang P150 bilyon.
Paliwanag ni Briones, magiging permanenteng bahagi na aniya ng sahod ng mga guro ang naturang halaga sakaling aprubahan ito, kaya’t kailangan din ng permanenteng pagkukuhanan dito.
“Are we, citizens, prepared to pay additional taxes to cover the P150 billion kasi magiging permanent part ng salary nila iyun,” ani Briones, sa panayam sa radyo.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang Education Secretary na hindi naman maituturing na pinakaapi ang mga guro.
Aniya, beneficiary na rin naman sila ng Salary Standardization Law, na nagtataas sa buwanang pasahod sa mga entry-level teachers ng hanggang P20,754.
Tumatanggap din, aniya, ang mga guro ng hazard pay at mga allowances.
Pinagkakalooban na rin sila ng mga kumpensasyon maging sa dalawang buwang summer vacation na hindi naman sila nagtuturo, bukod pa ito sa kumpensasyong natatanggap nila sa pagsisilbi nila bilang board of election inspectors sa halalan.
“Maybe we have to consider na at the rate that we are going, hindi naman na pinakaapi ang teachers,” ayon pa kay Briones.
237