OFW JUAN ni DR. CHIE LEAUGE UMANDAP
PATULOY ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan ng OFW Juan at Saksi Ngayon sa kinauukulang mga ahensya kaugnay sa kalagayan ng overseas Filipino worker (OFW) na si Al Estudillo Arcillas, matapos kumpirmahing siya ay kasalukuyang nakakulong sa Jizan Jail sa Saudi Arabia.
Batay sa opisyal na ulat na natanggap ng OFW Juan at Saksi Ngayon, noong Disyembre 12, 2025 ay nakikipagnegosasyon na ang DMW sa gobyerno ng Saudi Arabia para matulungan na makauwi sa Pilipinas si OFW Al.
Nagbigay rin ng update ang Philippine Recruitment Agency (PRA) nito na ARAM Enterprises, at ayon sa email na ipinadala nito sa OWWA, si Arcillas ay na-hold ng Saudi Immigration pagdating niya sa Dammam Airport noong Disyembre 4, 2025. Hindi siya pinayagang makapasok sa bansa at agad na inilagay sa hold status. Noong Disyembre 6, 2025, nagtungo sa paliparan ang PRO ng employer upang alamin ang kanyang kalagayan. Gayunman, ipinaalam ng PRO na si Arcillas ay sumasailalim sa imbestigasyon at hindi sila maaaring makialam dahil ang usapin ay nasa hurisdiksyon ng pamahalaan ng Saudi Arabia.
Noong Disyembre 10, 2025, isang mahalagang update ang natanggap nang makontak mismo ni Arcillas ang kanyang asawa. Sa tawag na iyon, kinumpirma niyang siya ay detenido sa Jizan Jail. Sa kasalukuyan, wala pa ring malinaw na desisyon o pinal na estado sa kanyang kaso dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Saudi.
Dagdag pa ng ulat, simula Disyembre 11 ay aktibong nakikipag-ugnayan ang PRA sa MWO-ATN upang matutukan ang sitwasyon ng OFW. Isang hard copy ng ulat kaugnay sa estado ni Arcillas ang pormal na ring isinumite sa Department of Migrant Workers (DMW) bilang sanggunian at para sa mas mabilis na koordinasyon.
Tiniyak ng PRA na patuloy nilang imo-monitor ang kaso at magbibigay ng regular na update hanggang sa ligtas na ma-repatriate si Al Estudillo Arcillas pabalik ng Pilipinas. Samantala, nananatiling umaasa ang pamilya ng OFW sa agarang aksyon at tulong mula sa Philippine Embassy, OWWA, DMW, at iba pang mga ahensya, upang masiguro ang kanyang kaligtasan, karapatan, at maayos na pagbabalik sa bansa.
Ang kasong ito ay muling nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na proteksyon at agarang aksyon para sa kapakanan ng mga OFW na nahaharap sa krisis sa ibayong-dagat.
126 