CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NANININDIGAN si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dapat managot si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects. Kaya hindi na dapat palampasin pa ito ng mga institusyon ng hustisya.
Sa kanyang year-end press conference, inihayag ni Dizon na inirekomenda ng DPWH ang pagsasampa ng kaso laban sa 87 indibidwal na umano’y sangkot sa flood control scandal. Nangunguna sa listahan sina Romualdez at ang noo’y chairman ng House Committee on Appropriations na si dating Cong. Zaldy Co. Ilang taon umanong tumakbo ang modus, na nagresulta sa bilyun-bilyong pisong pagkalugi ng kaban ng bayan—pondo na dapat sana’y nagsilbing proteksyon ng mamamayan laban sa pagbaha.
Biruin mo naman kasi, habang pinaghahatian ng mga tiwaling opisyal ang pondo, libu-libong pamilyang Pilipino ang patuloy na nilulubog ng baha taon-taon. Ang trahedyang ito ay hindi na lamang usapin ng katiwalian, kundi ng malinaw na kapabayaan na may direktang epekto sa buhay at kabuhayan ng publiko.
Pero heto ang puna ng marami. Sa kabila kasi ng mga direktang testimonya at sinasabing matitibay na ebidensya, kapansin-pansin ang kawalan ng kongkretong aksyon mula sa Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Boying Remulla laban kay Romualdez. Sa kabilang banda, mabilis ang naging galaw ng kaso laban kay Co: may mga reklamong graft at malversation, may inilabas na arrest warrants, nakansela ang kanyang pasaporte, at may mga naaresto na ring mas mabababang opisyal na sangkot sa anomalya.
Bagamat mahaba at mabagal ang proseso ng hustisya, malinaw na may direksyon ang kaso laban kay Co. Ngunit taliwas dito, nananatiling tila nakapako ang usapin laban kay Romualdez. Noong Nobyembre pa, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya. Hanggang ngayon, wala pa ring pormal na aksyon—walang freeze order, walang kaso kahit paulit-ulit na binabanggit ang alegasyon ng unjust enrichment, kakulangan sa oversight, at pag-abuso sa kapangyarihan.
Lumalakas tuloy ang hinala na may proteksyon ang Ombudsman kay Romualdez na kapartido, kaalyado, at ka-brod sa Upsilon. Habang ang iba sa listahan ng ICI, kahit tinanggal na, ay patuloy na tina-target ni Ombudsman Boying, ang number 1 ‘suspect’ na si Romualdez ay tila may VIP treatment.
Ang ganitong selective justice ay nakaaapekto sa tiwala ng publiko. Kung seryoso ang gobyerno sa anti-corruption campaign nito, lahat ng sangkot ay dapat pantay-pantay na haharap sa batas.
125
