NANIWALA si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na walang “foul play” sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Maria Catalina “Cathy” Cabral, batay sa paunang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).
Gayunman, inamin ni Remulla na nakitaan ng “lapses” o pagkukulang ang mga pulis sa pagpreserba ng mga ebidensya, partikular sa cellphone ni Cabral na agad umanong na-turn over sa pamilya.
Upang matiyak ang pagkakakilanlan at sanhi ng pagkamatay, sinabi ni Remulla na isasailalim sa autopsy at DNA test ang bangkay ni Cabral na narekober sa Tuba, Benguet.
Inatasan naman ni PNP Acting Chief PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr. ang Regional Director ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mabatid ang katotohanan sa gitna ng kabi-kabilang espekulasyon sa social media hinggil sa sinapit ng dating opisyal.
Samantala, agad na kumilos ang Office of the Ombudsman at inatasan ang Benguet Police na itabi at ipreserba ang lahat ng gadgets at cellphone ni Cabral na maaaring magsilbing mahalagang ebidensya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nagbigay ng direktiba si Ombudsman Boying Remulla na kunin at pangalagaan ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral at isumite ang mga ito sa mga imbestigador sa tamang panahon.
Nauna rito, ibinunyag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa social media na umano’y may listahan sa computer ni Cabral ng mga proponents ng DPWH insertions, na iilan lamang umano ang may hawak at lalabas lamang matapos ang imbestigasyon.
Si Cabral ay kabilang sa mga kinasuhan ng ICI kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng DPWH sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Cabral. Ayon sa ahensya, naglingkod siya sa pamahalaan sa loob ng 40 taon at itinuturing na malaking kawalan sa kagawaran ang kanyang pagpanaw. Hiniling din ng DPWH ang paggalang sa privacy ng pamilya habang nagluluksa.
Batay sa ulat ng Benguet PNP, alas-9:30 ng gabi nang matagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Cabral sa Kennon Road, Bued River, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet.
Kaugnay nito, inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng autopsy alinsunod sa Department Circular No. 013 na nag-uutos ng mandatory autopsy sa mga kasong may kahina-hinalang pagkamatay.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, pasok sa nasabing probisyon ang kaso ni Cabral upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay, kahit pa tumanggi ang pamilya na ipa-autopsy ang bangkay—usaping kasalukuyang pinag-aaralan ng mga legal officer ng DOJ.
Iginiit naman ni Justice Secretary Frederick Vida na mas makabubuti ang autopsy upang maalis ang anumang pagdududa. Dagdag ng DOJ, bagama’t nawawala na ang anumang criminal liability sakaling mayroong naganap, maaari pa ring habulin ang posibleng pananagutang sibil kaugnay ng kaso.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
139 