NAUWI sa trahedya at matinding pagluluksa ang dapat sana’y masayang Pasko ng mga pasahero matapos bumulusok sa may 10 metrong lalim na bangin ang isang passenger bus, na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa kahapon ng madaling araw sa Camarines Sur.
Ayon sa inisyal na ulat na ibinahagi sa media ni Police Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng PNP–Police Regional Office 5, naganap ang aksidente sa kahabaan ng Rolando Andaya Highway, Barangay Magais I, bayan ng Del Gallego, bandang alas-2:00 ng madaling araw ng Biyernes.
Sakay ng DLTB bus ang mga biktima na bumiyahe mula Quezon City patungong Sorsogon nang bigla umanong mawalan ng kontrol ang sasakyan at tuluyang bumulusok sa gilid ng bangin.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na posibleng nakatulog ang driver, na kinilala lamang sa alyas na “Jay,” 48 anyos, residente ng Parañaque City, dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa manibela.
Naging pahirapan ang rescue operation lalo na sa dalawang pasaherong naipit at nasawi, na nakuha lamang ng mga rescuer pagsapit na ng umaga.
Agad namang isinugod sa mga kalapit na pagamutan ang 22 pasahero na nagtamo ng iba’t ibang sugat kabilang ang galos, pasa, bukol, head trauma, chest at back pain.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Del Gallego PNP sa insidente. Batay sa paunang datos, may sakay umanong 25 pasahero at dalawang driver ang nasabing DLTB bus.
(JESSE RUIZ)
81
