Solon sa panibagong VP Sara impeachment PANAGUTIN MUNA SI ZALDY CO

IGINIIT ni Navotas Rep. Toby Tiangco na kung may unang dapat panagutin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa usapin ng katiwalian, ito ay si dating congressman Zaldy Co at hindi ang ibang indibidwal.

Ito ang pahayag ni Tiangco sa gitna ng ulat na nakatakdang sampahan muli ng impeachment complaint si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kwestiyonableng paggastos sa kanyang confidential funds.

“Kung sa araw na kami ay magdedesisyon at wala pang napapanagot na big fish doon sa House of Representatives, halimbawa ay hindi pa napapanagot si Zaldy Co, para kaming si Poncio Pilato,” pahayag ni Tiangco.

Nilinaw ng mambabatas na pabor siyang panagutin si Duterte sakaling mapatunayan na may anomalya sa paggamit nito ng confidential funds noong 2022 hanggang 2023 na umaabot sa P612.5 milyon. Kabilang dito ang P125 milyon na sinasabing ginastos umano ng Pangalawang Pangulo sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.

Gayunman, iginiit ni Tiangco na dapat unahin ng Kamara ang panagutin ang dati nilang kasamahan na sangkot umano sa bilyon-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.

“Para kaming hipokrito na nag-aakusa kami ng isang tao na sinasabing hindi ginastos nang maayos ang P125 milyon, pero ang kasamahan namin sa House na nagdispalko umano ng bilyon ay hindi mapanagot,” ani Tiangco.

Dagdag pa niya, maraming kongresista ang umano’y nadadawit sa naturang anomalya sa flood control, at ang ilan sa mga hindi nagsasalita ukol dito ay posibleng pumirma pa sa impeachment case laban kay Duterte. Nawawala aniya ang moral authority ng ilang mambabatas upang humusga sa iba.

Dahil dito, sinabi ni Tiangco na hindi niya susuportahan ang anomang impeachment complaint laban kay Vice President Duterte hangga’t wala pang napapanagot na tinaguriang “big fish” sa anomalya sa flood control projects.

(BERNARD TAGUINOD)

51

Related posts

Leave a Comment