GUIMARAS MANGOES, OPISYAL AT DIREKTA NANG INILULUWAS SA EUROPA

OPISYAL at matagumpay nang nailunsad ang kauna-unahang direktang pagluluwas ng Guimaras Geographical Indication (GI) mangoes sa merkado ng Europa sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Iloilo, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Sa ibinahaging ulat ng BOC, may 100 kilo ng premium mangoes ang unang shipment na ipinadala noong Hunyo 10, 2026, matapos ang isang send-off ceremony sa Guimaras Wonders Farm sa Alaguisoc, Jordan, Guimaras.

Ang Belgium ang magsisilbing pangunahing port of entry ng mga mangga. Mula rito, ipamamahagi na ang mga ito sa iba’t ibang bansa sa Europa gaya ng Germany, France, Spain, at Netherlands.

Sa patnubay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang tagumpay na ito ay patunay na kaya ng mga lokal na produktong agrikultural na pumasa sa mahigpit na pandaigdigang pamantayan sa kalidad, food safety, at phytosanitary requirements.

“Ang milestone na ito ay patunay na kapag nagkakaisa ang pamahalaan, local producers, at ang private sector, mas mapalawak ang oportunidad para sa ating mga produktong Pilipino. Sa BOC, patuloy nating susuportahan ang mga produktong lokal upang mas makilala at makapasok pa sa mas malawak na global market,” ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Ayon kay Nepomuceno, ang susi sa tagumpay ay ang pagtutulungan ng maraming sektor.

Naging posible ang makasaysayang pagluluwas ng mangga dahil sa kolaborasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) – Guimaras Provincial Office & Supply Chain and Logistics Group Philippine Trade and Investment Center–Brussels Bureau of Customs – Port of Iloilo (sa pamumuno nina District Collector Noli P. Santua Jr. at Ms. Evelyn U. Jalando-on ng Export Division), Department of Agriculture – Bureau of Plant Industry (DA-BPI) Region VI, Pamahalaang Panlalawigan ng Guimaras Airspeed Philippines at Guimaras Wonders Farm.

Bukod sa Europa, inihahanda na rin ng Port of Iloilo ang pagpapalawak ng merkado para sa mga produktong agrikultural ng Western Visayas sa pamamagitan ng direkta at regular na ruta patungong Hong Kong.

Pinaplano na ang isang regular at direktang air cargo export route mula sa Iloilo International Airport patungong Hong Kong.

Sa pangunguna ng Kokomojo Mango Farm Corp., target nilang magluwas ng tinatayang 50 metric tons ng sariwang Guimaras Carabao mangoes at processed products kada taon.

Inaasahang magkakaroon ng 3 hanggang 4 na shipment kada linggo, na may timbang na average na 100 kilo bawat pasada.

Sinasabing ang direktang ruta ay malaki ang maitutulong upang mapaikli ang oras ng biyahe, mapanatili ang pagiging sariwa at kalidad ng prutas, at mapababa ang gastos sa lohistika (logistics costs) para sa mga lokal na magsasaka.

Ang lahat ng inisyatibong ito ay bahagi ng direktiba ng BOC sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) New BOC Movement upang mas mapabilis, maging transparent, at makabago ang operasyon ng BOC para sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Una nang nagluluwas ang Pilipinas ng kilalang Guimaras mangoes sa Europa. Nitong Hunyo 2026, matagumpay na naipadala ang mga paunang test at promotional shipments nito bilang bahagi ng estratehiya ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na maipasok ang ating mga lokal na prutas sa mas malalaking internasyonal na merkado:

Promotional “Patikim” Shipment: Noong Hunyo 9, 2026, nagpadala ng kabuuang 200 kilo ng sariwang mangga mula sa Kokomojo Mango Farm sa Sibunag, Guimaras. Hinati ito kung saan tig-50 kilo ang ipinadala sa Netherlands at Belgium, habang ang natitirang 100 kilo ay napunta naman sa Hong Kong.

Ang kabiserang lungsod ng Belgium na Brussels ang nagsisilbing pangunahing bagsakan at gateway ng mga mangga upang maipakilala at matikman ng mga potensyal na buyers at importers sa iba pang bansa gaya ng France at Germany.

Ang mga ipinadalang mangga ay sertipikado ng Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) at dumaan sa mahigpit na pagsusuri ng Bureau of Plant Industry (BPI) upang matiyak na ligtas ito, walang peste, at pasado sa mataas na pamantayan ng European Union pagdating sa pesticide residue limits

Ang hakbang na ito ay naglalayong subukan ang supply chain at logistics para sa mga madaling-masirang produkto, gayundin upang mapataas ang kita ng mga lokal na magsasaka sa Guimaras sa pamamagitan ng pagbebenta sa mga premium na merkado sa ibang bansa.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment